Nailusot ng Philippine Volcanoes ang pahirapang come-from-behind 15-10 panalo kontra host Malaysia sa pagsisimula ng Asian Rugby Championship Division 1, Linggo ng gabi sa Royal Selangor Stadium sa Kuala Lumpur.

Isinalba nina Matthew Saunders at Terrence Carole ang Volcanoes sa kabiguan matapos kapwa umiskor sa kanilang atake sa second half upang makumpleto ang paghahabol mula sa 5-10 iskor sa unang bahagi ng laro.

Dahil sa panalo, umangat ang Volcanoes sa ikalawang silya sa standings na may apat na puntos na hinahabol kontra defending champion Sri Lanka na may limang puntos.

Sinimulan ng Sri Lankans ang kampanya sa 33-17 pananambak sa Singapore para makakuha ng isang bonus point. Nasa ikatlo ang Malaysia na may isang puntos.

Olympian boxer Eumir Marcial, di nagpatalo kay Carlos Yulo, nag-crop top na rin!

Haharapin ng Pilipinas, hangad na masungkit ang titulo matapos pumangalawa sa nakalipas na edisyon, ang Singapore sa Miyerkules habang magsasagupa sa isa pang laro ang Sri Lanka at Malaysia.

Una nang nakaiskor ang Malaysians kontra sa mga Pinoy mula kay Mohamad Syarif bin Budin sa penalty, 3-0.

Subalit bumalikwas ang Volcanoes sa touch down ni Christopher Bird patungo sa break, 5-3.

Binawi ng Malaysia ang abante sa pagbalik ng laro, 10-5, mula kina Jone Mawara Basaki at Bin Sudin.

Gayunman, itinabla ng Pilipinas ang laban mula kay Saunders at ang pampanalong puntos kay Carole. (Angie Oredo)