BUMOTO na ang bayan. Makaraan ang ilang buwan ng matinding kampanya na nagbantang pagwatak-watakin ang mga pamilya, organisasyon, at komunidad, bumoto ang mamamayan kahapon at inihalal ang kanilang napili para maging susunod na presidente ng bansa at iba pang mga opisyal. Hinihintay naman natin ngayon ang resulta, na dahil automated na ang sistema ng ating eleksiyon, dapat na malaman na natin ito sa loob lang ng dalawa hanggang tatlong araw.
Ito ang mga panahong ramdam natin ang pangangailangang magkaisa ang ating bayan. Kilala ang mga Pilipinong botante sa pagiging marubdob tungkol sa pulitika at ang katatapos na eleksiyon ay tunay namang nagbunsod ng pagkakaiba-iba. Sa limang kandidato sa pagkapresidente at anim na kandidato sa pagka-bise presidente, tiyak na magiging malawak ang epekto ng halalan. Ang pamamayagpag ng isang kandidato na itinuturing na banta sa katatagan ng pulitika sa bansa ay higit pang nagpalubha sa pangamba ng kaguluhan at pagkakawatak-watak pagkatapos ng eleksiyon.
Sino man ang manalo, dapat na magkaisa ang bansa upang suportahan ang bago nating pinuno. At dapat na gawin natin ito ngayon na. Alam na ang naging resulta ng botohan sa mahigit 92,000 voting precinct sa bansa, at ang pagpapadala ng mga resulta ng botohan ay nagsimula na patungo sa mga munisipyo at mga city hall, bago didiretso sa Kongreso, ang national canvassing center. Bago pa ang opisyal na pagdedeklara sa mga nanalo, magiging magandang senyales kung ngayon pa lang ay magpapahayag na ng pagkakaisa ang lahat ng kandidato at ang kanilang mga tagasuporta, isang deklarasyon ng pagsuporta sa sinuman ang nailuklok ng publiko sa puwesto.
Buong mundo ang nakaantabay sa ating halalan. Nagkaroon ng mga pangamba tungkol sa mga bagong polisiya ng susunod na gobyerno ng Pilipinas, batay na rin sa tuluy-tuloy na pagbagsak ng piso sa merkado ng Singapore. Ayon sa mga analyst, posibleng makabawi ang piso kapag nilinaw na ng bagong pangulo ang mga polisiya at pinawi ang anumang pangamba sa kanyang administrasyon. Ang pagpapakita ng pagkakaisa ng mga Pilipino, partikular na ng mga kandidato at kani-kanilang kampo, ay tiyak na makatutulong sa inisyatibong ito.
Ngunit kahit na hindi tayo sinusubaybayan ng buong mundo, partikular na ang ating eleksiyon, dapat na nating simulan ang isang malaking hakbangin patungo sa pagkakaisa matapos ang matitinding kontrahan at batikusan noong panahon ng kampanya. Ang halalan—ang pinakamahalagang pagsasakatuparan sa karapatan ng mamamayan sa demokrasya—ay tapos na.
Dapat na nating isantabi ngayon ang ating mga pagkakaiba at ituon ang ating mga pagsisikap sa pagpapaunlad sa ating bansa, buo ang suporta para sa ating bagong presidente, bise presidente, at lahat ng opisyal na binigyan natin ng mandato na pamunuan tayo sa susunod na tatlo hanggang anim na taon.