BAGUIO CITY - Patay ang isang barangay tanod at dalawang iba pa ang nasugatan makaraang magkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng mga tagasuporta ng dalawang kandidato sa pagkaalkalde sa Lagayan, Abra, kahapon.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO)-Cordillera, nangyari ang sagupaan sa Barangay Pang-ot sa Lagayan, dakong 7:30 ng umaga.
Kinilala ang napatay na si Sacarias Manuel, tanod ng Bgy. Pang-ot, samantalang sugatan naman sina Joel Donato, umano’y tagasuporta ng mayoralty bet na si Jodel Crisologo; at Randy Viloria, anak ng barangay chairman ng Pang-ot.
Sa agad na pagrespode ng pulisya, nasakote ang suspek na si Rodel Villar habang nakasakay sa isang Isuzu pick-up, at nakumpiskahan siya ng isang .38 caliber long barrel revolver.
Tatlong sibilyan pa ang nahulihan din ng baril kahapon, at sila ay sina Carlos Almazan, nahulihan ng .45 caliber pistol; Rochelle Donato, nahulihan ng .9mm caliber; at Merly Cabangon, nahulihan ng .22 caliber.
Iniulat naman ni Supt. Davy Limmong, election spokesperson ng PRO-Cordillera, na walong katao ang nadakip matapos mahulihan ng mga baril sa isang police checkpoint sa Sinalang Bridge sa Bangued, Abra, nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ni Limmong ang mga naaresto sa pagbibitbit ng iba’t ibang klase ng baril na sina Recto Batondo, 37, ng Manao; Zacarias Gonzales, ng Bucay; Ryan Dizon, ng Manabo, Abra; Lance Bryan Tan, ng Sta. Mesa, Maynila; Francis Nuez, 27, ng Sampaloc, Maynila; Luzviminda Ulibas, kagawad ng Bgy. Luzong, Manabo; Alger Pajara, ng Manabo; at Lucky Damase, 48, abogado, ng San Isidro, Isabela. (Rizaldy Comanda)