Malaking bilang ng Pinoy ang naniniwalang dapat ipatupad ng susunod ng pangulo ng bansa ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), isang mahalagang kasunduan sa pagitan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), ayon sa huling survey ng Social Weather Station (SWS).

Lumitaw sa survey ng SWS na 45 porsiyento ng mga Pinoy ang sang-ayon na ipatupad ng susunod na pangulo ang mga probisyon ng CAB, kumpara sa 23 porsiyento na hindi sang-ayon.

Samantala, 31 porsiyento sa mga respondent mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang hindi makapagdesisyon sa isyu.

Nakasaad din sa resulta ng survey na ang pinakamaraming nais na ipatupad ng susunod na pangulo ng bansa ang CAB ay nakarehistro sa Metro Manila na may 51 porsiyento.

'Impeach Sara!' Ilang progresibong grupo nagkilos protesta sa harap ng Kamara

Ito ay sinundan ng Mindanao na may 48 porsiyento, 47 porsiyento sa natitirang bahagi ng Luzon, at 36 na porsiyento sa Visayas.

Ang survey ay isinagawa ng SWS mula Marso 30 hanggang Abril 2 na sinagutan ng 1,500 mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ito ay kinomisyon ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP), na nangangasiwa sa usapang pangkapayapaan sa mga rebeldeng grupo. (FRANCIS WAKEFIELD)