Bilang assistant coach ng Gilas, masaya si Alaska coach Alex Compton sa magandang larong ipinakikita ng Gilas standout na sina Paul Lee at Jeff Chan sa kanilang koponang Rain or Shine, kahit ang katumbas nito ay kabiguan ng kanyang koponang Alaska Aces sa OPPO-PBA Commissioner’s Cup best-of-seven championship series.
Ngunit, kung sariling kagustuhan ang tatanungin, nais ni Compton na mapanatili ng dalawang Gilas star ang matinding shooting sa laro ng Team Philippines sa Olympic qualifying meet sa Hulyo sa MOA Arena.
Sa pangunguna nina Chan at Lee na kapwa nagtala ng 17 puntos, nakopo ng Elasto Painters ang 105-103 panalo sa Game Two nitong Linggo para sa 2-0 bentahe sa kanilang serye.
Sa naturang laro, naisalpak ni Lee ang ‘put back’ mula sa sablay na tira ni Beau ‘Extra Rice’ Belga para mailusot ang Painters.
“The only good thing I could get in this game is as Gilas’ assistant coach, if Paul and Jeff can play that way, that’s good for us,” pahayag ni Compton.
“I do hope they would save it for the coming FIBA Olympic qualifier,” aniya.
Muli, napatunayan ni Compton ang kanyang winika na hindi maaaring magkamali sa Rain or Shine dahil sa sandaling malingat ay siguradong may kaganapan na posibleng pagsisihan sa huli.
Ganito ang kinahinatnan ng end game ng Game Two nang inakala marahil ng Aces na paubos na ang oras kung kaya’t walang kumuha ng rebound sa kanila pagkamintis ni Belga kaya napunta kay Lee ang bola at nakabitaw pa ng winning jumper.
“It’s not that in two games we played terribly, but definitely we haven’t played well enough and smart enough to win,” sambit ni Compton. (Marivic Awitan)