GINUGUNITA ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang Mayo 10, 2016 bilang ika-130 anibersaryo ng kapanganakan ng nagtatag at una nitong executive minister na si Felix Y. Manalo. Si Kapatid na Felix, gaya ng tawag sa kanya, ang naglatag ng solidong pundasyon ng INC at ginabayan ang nakamamanghang paglaki nito bilang ikatlo sa pinakamalalaking relihiyosong organisasyon sa bansa, kasunod ng Simbahang Katoliko at ng Islam.

Mula sa pagkakaroon ng iilang tagasunod nang maitatag may 102 taon na ang nakalipas noong Hulyo 27, 1914, sa Punta, Sta. Ana, Maynila, nasa mahigit dalawang milyon na ang kasapi ng INC sa 128 ecclesiastical district sa buong Pilipinas at sa mahigit 27 pang distrito sa 102 bansa at teritoryo. Nagsasagawa ng malawakang relief-evangelical missions ang INC dito at sa ibang bansa, bilang bahagi ng flagship project na “Kabayan Ko, Kapatid Ko”. Ang Hulyo 27 ng bawat taon ay “Iglesia Ni Cristo Day”, alinsunod sa Republic Act 9645 noong Hunyo 12, 2009, upang kilalanin ang “exemplary feat of INC in leading its members towards spiritual enlightenment and good citizenry.”

Kinikilala ng mga kasapi ng INC bilang kanilang “Huling Sugo ng Diyos”, si Ka Felix ang ama ni Erano “Ka Erdie” G. Manalo, na humalili sa kanya bilang INC executive minister, at lolo ni Eduardo “Ka Ed” V. Manalo, ang kasalukuyang executive minister. Ang kanyang mga pagtatagumpay at kabanalan ay itinampok sa makasaysayang biographical film na “Felix Manalo”, na nagkamit ng Guinness World Record sa dami ng nanood sa unang pagpapalabas nito noong 2015.

Isinilang noong 1886 kina Mariano Manalo at Bonifacia Ysagun Manalo sa Barrio Calzada sa Tipaz, Taguig, si Ka Felix ay bininyagan bilang Katoliko at dumalo sa mga klase ng Katekismo na roon niya natutuhan ang mga pangunahing aral sa Katolisismo. Ang kanyang bayang sinilangan ay iprinoklama bilang National Historical Landmark ng National Historical Commission of the Philippines noong Enero 6, 1986.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Tumiwalag siya sa Simbahan noong siya ay binatilyo na, naglunsad ng sariling ispirituwal na paglalakbay, at naging tagasunod ng isang sektang “Colorum” na naglulunsad ng mga paglalakbay patungo sa isang sagradong bundok. Taong 1904 nang pumasok siya sa seminaryo ng Methodist Episcopal Church at naging pastor. Noong 1913, sumali siya sa grupo ng mga malayang mag-isip, sumailalim sa matinding pag-aaral at pagninilay-nilay, at sinimulan ang kanyang misyon sa pagtatatag ng INC. Nilisan ni Ka Felix ang Pilipinas noong 1919 para magtungo sa Amerika, at nag-aral siya kasama ang mga Protestante. Ang pagpapakadalubhasa niya sa Bibliya ay pinuri ng non-sectarian na Genius Divinical College of Manila, na noong Marso 28, 1931, ay ginawaran siya ng Master of Biblo-Science, honoris causa. Pagkatapos ng digmaan, nagsimula siyang magpatayo ng magagarang kongkretong kapilya, na ang una ay itinirik sa Sampaloc, Maynila noong 1948. Inilathala niya ang ibinatay sa Bibliya na Pasugo noong 1939.

Pumanaw si Ka Felix noong Abril 12, 1963, at iniwan sa INC ang kanyang pamanang ispirituwal. Ang kanyang mahusay na pamumuno at mga makabuluhang aral ay patuloy na nagdudulot ng inspirasyon at nagbibigay-gabay sa milyun-milyon niyang tagasunod sa Pilipinas at sa ilan pang bansa sa mundo.