NATAPOS na ang halalan kahapon. Sana, sa pinakamaagang ay panahon mailabas na ng Comelec ang resulta nito sa mga pang-national at lokal na posisyon. Malaking bagay ito dahil dito magsisimula ang paghihilom ng sugat na idinulot ng halalan. Nahati ang mamamayan sa panahon ng kampanya. Dahil may Internet, bata o matanda ay nakialam sa pagtalakay ng mga isyung nais nilang ipaalam sa sambayanan.

May mga hindi maganda sa mga lumabas na talakayan. Bukod kasi sa ikinakampanya nila ang mga gusto nilang manalo sa halalan, binatikos nila ang mga kalaban ng mga ito. Kaya ang nangyari, ang kapanalig ng kanilang binatikos ang sumagot naman sa kanila. Maaanghang na salita ang naging laman ng social media.

Pero, anuman ang uri ng palitan nila ng mga salita, hindi naman nawawala ang mensaheng nais nilang iparating. Ganito ang uri ng ating demokrasya. Nasasagwaan tayo sa mga pinalipad nilang salita pero, bandang huli ay mapagtatanto rin naman nila na ang talim ng katwiran ay hindi puwedeng ipagpalit sa bangis ng salita. Higit na makakukuha sila ng kakampi kapag gumamit sila ng katwiran. Ang galit na katwiran ay walang ibinubungang mabuti, bagkus mahihiwalay pa sa iyo ang nais mong mapaniwala.

Kapag natapos ang halalan sa pagpoproklama sa mga nanalo, matitigil na ang bangayan. Ang problema lang, na laging problema tuwing may halalan, ay kung may magsabing dinaya ang botohan. Malayo pa ang eleksiyon ay may nagsabi na sa Comelec na sa mga paraang ginagawa nito ay madadaya ang halalan. Lalong naging maingay ang mga hindi naniwala sa mga paraang ginawa ng Comelec para maayos at maging mapayapa ang eleksiyon.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa mga matatalo, para sa ikabubuti ng ating bayan, ay tanggapin na ang naging resulta ng halalan. Mahirap na tanggapin ang pagkatalo, pero pumasok ka sa eleksiyon. Alam mo naman ang mga patakaran ng labanan. Sa totoo lang, ang halalan natin ay rebolusyon. Kung sino ang mataktika, siyang nananalo. Sa mga magwawagi naman, ke anuman ang paraan ng pagkapanalo, dapat na maging mapagkumbaba. Sa pamamagitan lang nito mapapag-isa mo ang mamamayang hinati ng halalan. (Ric Valmonte)