Ipinadama ni Bornok Mangosong ng Davao City ang determinasyon na maagaw ang pedestal kay 16-time rider of the year Glenn Aguilar nang angkinin ang pro open class sa ikatlong yugto ng Diamond Motor Corporation Motocross Series nitong weekend sa Mx Messiah Fairgrounds, Taytay, Rizal.

Maaksiyon at nag-uumapaw ang tensyon sa gitgitang labanan nina Mangosong at Aguilar, pinakabeteranong rider sa karera at kampeon sa unang dalawang leg ng karera.

Nasagi ni Aguilar sa paa ang 24-anyos na si Mangosong sa unang lap ng karera, subalit agad itong nakabawi at nilagpasan ang matikas na karibal .

“Naging pang-anim pa ako pero sabi ko focus lang hanggang pumangalawa ako. Kaya ipinahinga ko ang sarili ko habang naghihintay ng moto 2 at nag-isip kung paano ko makukuha ang pro open,” pahayag ni Mangosong.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Hindi binigo ni Mangosong ang mga tao nang dominahin nito ang buong 12 lap ng moto 2 race. Sa huling lap, tuluyang binakbakan ni Mongosong si Aguilar para iangat ang dangal ng Mindanaon sa prestihiyosong torneo.

“I dedicate this to my mom at sa asawa ko. Mother’s Day din kasi pero siyempre sa walang sawa nilang suporta sa akin,” aniya.

Siksik ang laban na inisponsoran ng Diamond Motor Corporation nang patunayan ni Mclean Aguilar, anak ni Glen, katatagan sa Pro lites laban kay Jepoy Rellosa. Panalo naman si Pia Gabriel sa ladies category at si Jing Leongson sa Veterans category habang wagi naman si Gelo Leonardo sa amateurs class, Roman Llorente sa executive class, Wenson Reyes sa kids 50cc at 65cc , at si Ompong Gabriel sa kids 85cc.

Nag-uwi rin ng tropeo sina Bhenvinido Torres ng open underbone, Christopher Oberio ng local enduro at Dean Gabriel ng MMF Academy.

Ang karera sa pangunguna ng Generation Congregation ay suportado ng Wheeltek, Dunlop tyres, Pilipinas Shell Petroleum Corporation, Coffee Grounds, Xtreme Adrenaline Sports Entertainment Co. at PTT Philippines Corporation.