Napasugod kahapon si Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista sa Novotel sa Araneta Center sa Cubao, Quezon City kasunod ng natanggap na ulat na may itinatagong mga vote counting machine (VCM) sa ilang silid sa naturang establisimyento.
Ayon kay Bautista, makabubuting personal niyang imbestigahan ang katotohanan sa likod ng naturang ulat na natanggap ni Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) National Chairperson Henrietta de Villa at agad itong inihayag sa mga istasyon ng radyo.
“Mahalaga na kina-clarify, ini-investigate agad, kaya ako nandito,” pahayag pa ni Bautista, pagdating kahapon ng tanghali sa Novotel Cubao.
Bagamat walang nakitang VCM, natukoy naman na may mga IT expert ng Smartmatic, na siyang supplier ng VCM na ginamit sa eleksyon, ang tumutuloy sa ikalimang palapag ng hotel.
Pumayag naman ang naturang IT expert, na nakilalang si Ellie Moreno, na buksan at masuri ang kanilang kuwarto na roon umano may itinatagong mga VCM.
Ayon naman kay PDP Laban lawyer, Atty. Charlie Ho, labis nilang ikinakaalarma ang ulat na may itinatagong VCM sa Novotel Cubao.
Ang pinakamalaking kuwestiyon, aniya, ay kung bakit may naka-check in ang Smartmatic technician sa Novotel, Cubao.
(Mary Ann Santiago)