SA kalendaryo ng ating panahon, ang isa sa mga buwan na hinihintay ng marami ay ang Mayo, na itinuturing na buwan ng mga bulaklak at panahon ng pagdiriwang ng mga kapistahan. Kasabay nito ang pagbuhay sa iba’t ibang tradisyon at kaugalian sa mga bayan sa lalawigan ng iniibig nating Pilipinas.
Sa pagdiriwang ng mga kapistahan na binibigyang-buhay at pagpapahalaga at sigla ang mga tradisyong namana sa ating mga ninuno, gayundin ang kaugaliang nakaugat na sa kulturang Pilipino, ang pagpaparangal ay nakasentro sa Mahal na Birhen, sapagkat naniniwala ang mga Katoliko na ang Mahal na Ina ng Diyos ay naging bahagi na ng buhay at pag-ibig ng ating bansa sa loob ng maraming dantaon.
Ang mga Pilipino ay may malalim na pananampalataya. Ang Mahal na Birhen ay tinatawagan sa mga dalangin sa panahon ng mga pagsubok sa buhay, ng kaguluhan at kalamidad. Para sa kanila, ang Mahal na Birhen ay tunay na kanilang liwanag, katamisan at pag-asa.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, kung Mayo ay nagtutungo ang mga deboto sa mahahalaga at makasayayang dambana ng Mahal na Birhen. Mababanggit na halimbawa ang shrine ni Mama Mary sa Piat, Cagayan; sa Bantay, Ilocos Sur; sa Manaoag, Pangasinan; sa Pakil, Laguna; sa Zamboanga; at ang shrine ng Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay sa Antipolo City, Rizal.
Ang imahen ng Mahal na Birhen ng Antipolo ay dinala sa Pilipinas mula sa Mexico noong Hunyo 18, 1626 ni Governor Juan Niño de Tabora. Ang Mahal na Birhen ay itinuring na patnubay ng mga manlalakbay at pinaniwalan ng mga deboto na nakagawa ng mga milagro. Nang mamatay si Governor de Tabora, ipinagkaloob ang imahen sa mga paring Heswita sa Intramuros, Maynila at dinala naman sa Antipolo nang pangasiwaan ang mga bayan sa Distrito Politico Militar de Morong, ang dating tawag sa Rizal.
Ang mga tradisyon at kaugalian kung Mayo ay bahagi at nakaugat na sa kulturang Pilipino kasabay ng pamumukadkad ng mga bulaklak ng halaman, at pamumulaklak at pamumunga ng mga puno. Mababanggit ang Sampagita, na ating pambansang bulaklak; ang Kampupot at Ilang-Ilang. Tinutuhog, ginagawang kuwintas, at ginagamit sa Flores de Mayo sa mga simbahan at kapilya kapag hapon. Iniaalay ng mga batang babae at iba pang may debosyon at panata sa Mahal na Birhen.
Sinasabayan ito ng pag-awit ng “Dalit”.
Kakaunti ang nakaaalam na ang sangka-kristiyanuhan ay ipinagdiriwang ang Mayo bilang espesyal na debosyon sa Mahal na Birhen, sa pamamagitan ng Flores de Mayo.
Ipinakikita ng mga pagdiriwang ng kapistahan tuwing Mayo ang maraming mukha at yugto sa buhay at kultura ng ating mga kababayan. Sinasalamin ang mayamang hibla ng ating lipunan, at ang nakaraan, at pinatitibay ang kasalukuyan habang nagbibigay ng magandang pananaw sa hinaharap. (Clemen Bautista)