Habang papalabas ng kanyang bahay sa Caong Street sa San Antonio, Makati City, cool na cool ang disposisyon ni Vice President Jejomar Binay kahapon, araw ng eleksiyon.
Kasabay nito, kinakanta rin ng standard bearer ng United Nationalist Alliance (UNA) ang kanyang campaign jingle na “Only Binay” habang patungo sa San Antonio High School, na roon siya nakarehistro bilang botante.
“Aba, eh, kagabi inihanda ko na ang victory speech namin. Dahil sa talagang tingin ko, palagay ko, tulad ng nakita n’yo na mga nakasama ko sa pag-iikot, eh, talagang mananalo tayo,” kuwento ni Binay sa media matapos bumoto.
Kung papalaring maupo sa Malacañang, nagkatotoo na rin ang matagal nang ambisyon ni Binay na mahalal bilang pangulo ng Pilipinas.
‘Tila kakampi ng suwerte, hindi pa natalo si Binay sa ano mang posisyon na kanyang tinumbok simula nang italaga siya bilang officer-in-charge ng Makati City noong panahon ni Pangulong Corazon Aquino noong 1983.
“Eh, ganun ang track record ko, eh, ‘di ganun pa rin matatapos ang record,” ayon sa lider ng UNA.
Bumoto si Binay sa precinct 189 (0550C) dakong 6:10 ng umaga at maaga siyang dumating sa polling precinct bago pa man ito magbukas. (Ellson A. Quismorio)