Magagamit na ngayon ng mga residente ng Makati City ang makabagong “all-in-one” card sa mga transaksiyon sa social services sa siyudad.
Halos mahahambing ang high tech features ng Smarter Makati All-in-One Card (SMAC) sa General Multi-Purpose Card (GMPC) technology, na magagamit ang biometric verification para sa beripikasyon ng pagkakakilanlan ng isang miyembro.
Ayon sa mga opisyal ng pamahalaang lungsod, maaari ring kilalanin ang SMAC ng mga bangko bilang balidong ID card para sa mga transaksiyon.
Ang proyektong SMAC ay kabilang sa mga hakbang ng Bagong Makati upang mapabuti ang serbisyo sa mga mamamayan sa lungsod.
“Providing an all-in-one identification card that shall be used to avail the various social services being offered by the city government is one of the primary objectives of this project,” ayon kay Makati City Mayor Romulo ‘Kid’ Peña.
Aniya, maaari ring maiwasan ang pagkakadoble ng application process sa paggamit ng SMAC sa iba’t ibang serbisyong panlipunan at programa.
Kabilang sa mga serbisyong maaaring paggamitan ng SMAC ay ang Makati Health Card Plus, Makati BLU Card, Makati Senior Citizens Card, Makati City Government Employee Card, Makati City Public School Student Card, Makati PhilHealth Card (Indigent), at Makati Person with Disability (PWD) Card. (Anna Liza Villas Alavaren)