MULING nakamit ng ABS-CBN ang inaasam na Best TV Station in Metro Manila sa 24th KBP Golden Dove Awards, ang ika-7 Best TV Station award ng kumpanya sa unang kapat ng 2016. Nagwagi ang kumpanya ng 22 tropeo, 17 sa kategorya ng telebisyon at lima naman sa kategoryang pangradyo.
Ang nanguna sa mga personalidad na ginawaran ng parangal para sa ABS-CBN ay si Louie Tabing, anchor ng popular na programa ng DZMM na Sa Kabukiran, na nakamit ang pinakamataas na award sa larangan ng broadcasting, ang Ka Doroy Broadcaster of the Year award, na ibinibigay sa mga propesyunal na broadcaster na nagpakita ng natatanging kahusayan sa trabaho at sa pakikipagkapwa-tao. Sa kanyang pagkapanalo, napabilang si Tabing sa prestihiyosong listahan ng Ka Doroy awardees ng ABS-CBN na kinabibilangan nina Tina Monzon-Palma (2002) Korina Sanchez (2008), Ces Drilon (2010), Noli De Castro (2011), at Ted Failon (2013).
Para naman sa kategorya ng telebisyon, iniuwi ng kinabaliwang TV drama na On The Wings of Love ang Best Drama Program for TV. Pinangunahan nito ang iba pang awardees tulad ng long-running kiddie comedy show Goin’ Bulilit (Best Comedy Program), Wansapanataym (Best Children’s TV Program), The Voice Kids (Best Variety Program), Home Sweetie Home (Best Comedy Program), Matanglawin (Best Science and Technology Program), Tapatan ni Tunying (Best Public Affairs Program for TV in Manila), at ASAP (Best Variety Program for TV).
Ang mga personalidad na pinarangalan ay sina Anthony Taberna bilang Best TV Public Affairs Program Host, Karen Davila ng My Puhunan bilang Best Public Service Program Host, at sina Coco Martin (Best TV Actor for Drama) at Jodi Sta. Maria (Best TV Actress for Drama).
Samantala, ang DZMM Radyo Patrol 630 ay muling kinilala bilang Best AM Radio Station, na pinarangalan din ang mga programang SOCO Sa DZMM (Best Radio Public Service Program) at Failon Ngayon (Best Radio Public Affairs Program).
Iniuwi naman ng MOR 101.9 FM station ng ABS-CBN ang Best Drama Program for Radio in Manila (Dear MOR101.9 For Life).
Ang Thank You For the Love Kapamilya station ID naman ng Kapamilya Network ang kinilala bilang Best TV Station Promotional Material.
Dinagdagan din ang ABS-CBN Regional ang natanggap na awards ng kumpanya sa iniuwi nitong tatlong tropeo: ang Best TV Station for Provincial ng ABS-CBN Bacolod, Best TV Newscast for Provincial ng TV Patrol Socksargen, at Best TV Public Service Program for provincial ng Agri Tayo mula ABS-CBN Bacolod.
Ang KBP ang premyadong organisasyon ng broadcast media sa bansa na binubuo ng mga may-ari at operator ng mga istasyon ng radyo at telebisyon, pati na mismo ang mga istasyon ng radyo at telebisyon na naglalayong iangat ang propesyon ng broadcasting pati na ang mga etikal na aspeto nito at itaguyod ang social responsibility sa broadcasting. Ang Golden Dove Awards ang paraan ng KBP para kilalanin ang mga natatanging kahusayan ng broadcasting sa buong bansa.
Pinarangalan din ng ABS-CBN ang Best TV Station sa 2ndAral Parangal Awards ng Young Educators’ Council of SOCSKSARGEN (YECS); 2nd Students’ Choice Mass Media Awards ng Eastern Visayas State University’s (EVSU); 14th Gawad TANGLAW (Tagapuring mga Akademisyan ng Aninong Gumagalaw) na binubuo ng mga eskwelahan tulad ng Jose Rizal University, Philippine Women’ University, University of Perpetual Help System, at Colegio De San Juan de Letran; 2nd Paragala Central Luzon Media Awards ng Holy Angel University; UmalohokJUAN Awards ng Lyceum of the Philippines University-Manila; 12th USTv Awards at Platinum Stallion Awards ng Trinity University of Asia.