ROSARIO, Cavite – Pitong katao ang napatay habang isa pa ang nasugatan makaraan silang tambangan at pagbabarilin nitong Linggo ng hatinggabi sa Barangay Wawa III sa bayang ito.

Hindi pa makumpirma ng pulisya kung may kinalaman sa eleksiyon ang pagpatay, bagamat kabilang ang bayan ng Rosario sa apat na “areas of concern” o “hot spot” na una nang tinukoy ng pulisya.

Kinumpirma ni acting Rosario Police chief Rommel Laconsay Javier ang insidente ng ambush.

Kinilala ng awtoridad at ng media reports ang mga napatay na sina Amron Sharief, Fabil Magandia, Omair Imam, Ebrahim Imam, Farhan Imam, Rakiin Imam, at Ramon Tuazon.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Agad namang nadala sa ospital ang sugatang si Farar Mampon.

Ayon sa paunang ulat, sakay ang mga biktima sa Mitsubishi Adventure (URQ-913) at dalawang motorsiklo nang pagbabarilin sila ng hindi pa natutukoy na grupo.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang ilang bala ng .9mm pistol at M-16 rifle.

Nasa kostudiya na ng pulisya ang ilang testigo, ngunit hindi pa tinutukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Sinusuri na ng awtoridad ang kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa crime scene.

Mismong sina Cavite Provincial Election Officer Vidzfar A. Julie at Cavite Police Provincial Office acting director Senior Supt. Eliseo D.L.C. Cruz ang tumukoy sa Rosario bilang isa sa mga election hot spot sa lalawigan, kasama ang Bacoor District, Trece Martires City at Cavite City. (ANTHONY GIRON)