Inaresto ng mga tauhan ng Pasay City Police ang dalawang katao, kabilang ang anak ng isang konsehal, dahil sa umano’y pagpapakalat ng mga pekeng sample ballot sa magkahiwalay na polling precinct sa lungsod, kahapon ng umaga.

Nasa kostudiya na ng pulisya ang mga naarestong sina Maricar Espiritu, 18, sa M. Dela Cruz, Tramo, Pasay City; at Reynald Padua, 32, anak ni Councilor Rey Padua, ng Domingo Street.

Sa ulat na nakarating kay Pasay City Police chief Senior Supt. Joel Doria, dakong 8:50 ng umaga nang dakpin ng mga pulis sina Espiritu at Padua sa hiwalay na polling precinct.

Unang inaresto ng mga barangay tanod si Espiritu sa Bernabe Elementary School na nasa Sandejas Street sa Bgy. 44 matapos makumpiskahan ng maling sample ballots.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nahulihan din ng maling sample ballots si Padua, na sa halip na nasa ika-12 sa listahan ang tumatakbong konsehal ng District 2 na si Manguera Wowee ay nasa ika-22 slot ito sa ilalim ng pangalang “Tanguera Wowee”, na lumalabas na isa umanong pananabotahe.

Ipinagtaka naman ni Virginia “Baby” So, kapatid ni Manguera, na kapartido naman nila ang magkapatid na tumatakbo ring konsehal na sina Reynaldo Padua Jr. at Ailleen Padua, na nasa ticket nina incumbent Pasay City Mayor Antonino Calixto at Congresswoman Emi Rubiano Calixto sa ilalim ng Liberal Party.

Mismong si Barangay Kagawad Glenn Enriquez ang nakakita umano kay Padua na hawak ang tatlong sample ballot na ipinamamahagi sa mga botante sa labas ng Bernabe Elementary School sa nasabing lugar. (Bella Gamotea)