Itinodo na ng mga kandidato ang huling araw ng pangangampanya nitong Sabado, at dinagsa ng libu-libong tagasuporta ng mga presidentiable ang huling paglalahad ng kanilang mga plano para sa bayan sa susunod na anim na taon.

Sa Quezon City Circle ginanap ang miting de avance ng tambalan nina Mar Roxas at Leni Robredo, na dinaluhan ng mahigit 30,000 nakasuot ng dilaw, at bitbit din ng Liberal Party (LP) ang napakaraming artista na kinabibilangan ng KathNiel love team.

Sa Makati City naman huling nangampanya sina Vice President Jejomar Binay at Sen. Gringo Honasan, na roon unang nagserbisyo ang bise presidente. Dinaluhan ng mahigit 60,000 katao, kasama nila ang dancer-host na si Jhong Hilario, na kandidatong konsehal, at ang senatoriable na si Pambansang Kamao Manny Pacquiao.

Sina Senators Grace Poe at Chiz Escudero ay nasa Plaza Miranda kasama ang 10,000 at higit pang tagasuporta. Umakyat din sa entablado sina Lovi Poe at ang maybahay ni Escudero na si Heart Evangelista.

National

Atty. Chel Diokno, benepisyaryo daw ng confidential funds ni VP Sara?

Samantala, sa West Triangle ginanap ang REDvolution nina Senators Miriam Defensor-Santiago at Bongbong Marcos.

Naiiba ang miting de avance nila, dahil street party ang tema nito para sa nasa 1,000 dumalo na karamihan ay kabataan.

Pinakamarami naman ang dumagsa sa miting de avance nina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Sen. Alan Cayetano, na sinasabing umabot sa milyon, Quirino Grandstand. Umabot pa hanggang sa Rizal Park ang napakakapal na tao, kasama sina Freddie Aguilar, Aiza Seguerra at ang Mocha Girls, na nag-perform din. Nagkaroon din ng “Duterte Grand Rally” sa Davao, Cebu, at GenSan. (Ann-Gella Patricia F. Agnes)