Ni ADOR V. SALUTA
SI Sharon Cuneta ang kapalit ni Sarah Geronimo bilang coach ng The Voice Kids Philippines. Say ni Sharon on her coaching style, nais niyang gawing kakaiba kaysa dati ang approach niya ngayon sa contestants.
“Una sa lahat, pusong mamon ako, eh, pero I think this time kailangan halo ‘yung pagiging malambot sa pagiging istrikto rin, kasi we are looking for a great singer, hindi ‘yung kung sino ‘yung may malungkot na istorya,” sey ng megastar.
Tiyak na susubaybayan ng viewers ng The Voice Kids ang rapport between Sharon and Tony awardee nating si Ms. Lea Salonga. Kaabang-abang ang mga linyang kanilang binibitiwan nila pag-ikot ng kanilang kinauupuan.
Tiyak na pagkukumparahin ang dalawa sa kanilang style at pananalita, kung sino sa dalawa ang may sense ang sinasabi at kung sino ang “nambobola” lang at tipong dagdag-pandekorasyon lang sa show.
“I’m sure they will love to do that (pagkukumpara sa kanila ni Lea) but that’s all part of the business. Pero kami ni Lea, we’ve been friends forever, we’ve been friends for such a long time,” aniya.
Sabi pa ni Sharon, “I have tremendous respect for Lea Salonga. She has achieved so much that no other Filipino has so I’m just honored to be a coach along with her, alongside her and Bamboo. So I think ang hilig talaga ng tao manggulo, ‘pag peaceful gusto may gulo, may intriga. ‘Pag naman iniintriga gusto inaayos, so ‘pag papatulan mo lahat masisiraan ka ng ulo. I have no problem with that (by being pitted against Lea), it’s not going to work,” ani Sharon.
Ngayong summer sa ikatlong season nakatakdang mag-umpisa sa The Voice Kids si Sharon kasama sina Lea at Bamboo upang pumili at mag-mentor ng mga batang magpapamalas ng kanilang galing sa pagkanta.
“I’m so honored because I’ll be working with Lea, Bamboo, and the most talented children sa bansang ito,” pahayag ni Sharon.
Sa 35 taon sa industriya, napatunayan na ni Sharon ang kahusayan bilang singer, performer, aktres, host, at endorser.
Sa edad na 12 unang sumipa ang kanyang career nang sumikat ang mga kanta niyang Tawag ng Pag-ibig at Mr. DJ. Nakapag-release na siya ng mahigit sa 30 singles na pumatok sa publiko, pati na albums na nakakuha ng multi-platinum at maging diamond record certification.
Naging bida si Sharon sa mahigit 50 pelikula at naging box-office queen simula 1980s hanggang 2000s. Ginawaran na rin siya ng acting awards, at naging grand-slam actress para sa pelikulang Madrasta.
Bukod sa mga parangal sa pag-arte, tumanggap na rin si Sharon ng awards bilang singer/recording artist, kabilang na ang Dangal ng Musikang Pilipino Award o Lifetime Achievement Award mula sa Philippine Association of the Record Industry, Inc. noong 2002, na 36 anyos pa lamang siya.
Bukod sa tagumpay sa pag-arte sa telebisyon at pelikula, pinilahan at pinanood din ang kanyang sold-out concerts sa loob man o labas ng bansa.
Dahil sa hindi matatawarang kasikatan, naging sough-after endorser siya ng iba’t ibang produkto.
Ang pagiging bagong coach sa The Voice Kids ay isa lang sa mga proyekto ni Sharon na dapat abangan ng mga Kapamilya sa pagpirma niya ng two-year exclusive network contract sa ABS-CBN.
“Walang kapantay ang happiness ko. Home is home. Twenty-five years na (ako sa ABS-CBN). I grew up here, everyone I knew and grew up with is here. Ano pang hahanapin ko?” ani ni Sharon.