Nyquist

LOUISVILLE, Kentucky (AP) — Nagtatanong ang mga apisyonado ng horse racing sa buong mundo kung may karapat-dapat na pumalit kay 2015 Triple Crown champion American Pharoah.

Ipinakikilala – ang Nyquist.

Umalimpuyo ang putik sa race track nang rumatsada ang Nyquist para makopo ang pamosong Kentucky Derby nitong Sabado (Linggo sa Manila) at manatiling malinis ang marka sa ikawalong karera.

Muntik mag-suntukan! Beermen vs Taoyuan, nagkainitan sa PBA-EASL

Sakay ang premyadong jockey na si Mario Gutierrez, tinakbo ng Nyquist ang distansiyang 1-¼ milya sa dalawang minuto at 01.31 segundo para tanghaling ikawalong walang talong 3-year-old colt na nagkampeon sa 142 taong kasaysayan ng karera.

Huling naging kampeon na may malinis na karta ang Big Brown noong 2008.

“We got a beautiful trip from the start to the end,” pahayag ni Gutierrez.

Ibinigay ni Nyquist ang ikalawang Derby win kay Gutierrez, gayundin kina trainer Doug O’Neill at may-ari na si J. Paul Reddam. Ang grupo ang siyang gumabay sa tagumpay ng I’LL Have Another sa 2012 Derby at Preakness.

“This is such a special horse,” pahayag ni O’Neill. “You can see it in his eye on a daily basis and he’s such a professional. Any human sport, he’d be the top-notch athlete. He’s just first class.”

Walang naging problema si Nyquist sa arangkadahan sa Churchill Downs dirt sa harap ng nagbubunying 167,227 manonood – ikalawang pinakamalaking crowd sa kasaysayan ng Derby history. Nilagpasan niya ang Danzing Candy sa unang kurba ng karera.

“His run was awesome,” sambit ni Reddam.

“Obviously, we were going to take it to ‘em. I love the way that we fired out of there and he sat behind Danzing Candy. This horse, he’s really something. We’re just really lucky to be a part of that.”

Pangalawa ang Exaggerator, habang pangatlong dumating ang Gun Runner. Pumang-apat ang Mohaymen kasunod ang Suddenbreakingnews.

Umani ng papuri ang American Pharoah matapos maitala ang makasaysayang Triple Crown sa nakalipas na 37 taon. Bukod sa American Pharoah, nakapagwagi ng Triple Crown ang Seattle Slew (1977) at Affirmed (1978).