PORTLAND, Oregon (AP) — Sa tres nabuhay, sa tres din lumungayngay ang Golden State Warriors.
Naglagablab ang long-range shooting ng Portland Trail Blazers at naapula ang pagbalikwas ng Warriors para maitala ang 120-108 panalo sa Game 3 nitong Sabado ng gabi (Linggo sa Manila) para mailapit ang kanilang Western Conference semi-final playoff sa 2-1.
Hataw si Damian Lillard sa naiskor na playoff-best 40 puntos, tampok ang anim na three-pointer para maisalba ang Portland sa fourth-quarter letdown tulad nang naganap sa Game 2 nang nahabol ng Warriors ang double digits na bentahe para maagaw ang panalo.
Naglaro ang defending NBA champion na wala si reigning MVP Stephen Curry, na-sprained ang kanang tuhod sa Game Four ng first-round series kontra Houston.
Kumubra si Al-Farouq Aminu ng 23 puntos, kabilang ang tatlong three-pointer at 10 rebound, habang umiskor si CJ McCollum ng 22 puntos para sa Portland.
Umabante ang Trail Blazers sa 58-46 sa half at napalobo ang kalamangan sa pinakamalaking 20 puntos sa fourth period.
Nanguna sa Warriors si Draymond Green na may 37 puntos, habang nag-ambag si Klay Thompson ng 35 puntos, ngunit kulang ang tulong ng second team.
Gaganapin muli sa Portland ang Game Four sa Lunes (Martes sa Manila).
“I think we played a lot smarter down the stretch than we did the last game, and we challenged them,” pahayag ni Lillard.
“Last game, I think, we played good and then we let up a little bit, and they turned it on — like championship teams do. ... Tonight we didn’t allow that to happen, we kept doing what was working for us.”
Wala pang pormal na pahayag ang Warriors management kung palalaruin na si Curry sa Game 4.
“Now they’re feeling like they can do it,” pahayag ni Green patungkol sa gilas ng Blazers. “We know otherwise. You can expect Game 4 to be a battle.”
Huling naidikit nina Harrison Barnes at Leandro Barbosa ang iskor sa 105-92 may anim na minuto ang nalalabi, subalit kaagad na nakalilika ng sariling scoring run ang Portland.
RAPTORS 95, HEAT 91
Sa Miami, nawala ang premyadong center ng Toronto at nabitiwan ang 13 puntos na bentahe.
Sa krusyal na sandali, siniguro ni Kyle Lowry na makakaalpas ang Raptors.
Kumubra ang All-Star guard ng 33 puntos, kabilang ang limang sunod na puntos para basagin ang huling pagtabla at akayin ang Raptors sa panalo sa Game 3 ng kanilang best-of-seven Eastern Conference semi-final.
Tangan ng Toronto ang 2-1 bentahe.
Hindi na nakalaro si Toronto center Jonas Valanciunas matapos ma-sprain ang kanang paa sa third quarter. Nauna rito, hindi na rin nakabalik laro si Miami starting center Hassan Whiteside na nagtamo ng hindi pa matukoy na injury sa tuhod.
Nag-ambag si DeMar DeRozan sa Toronto ng 19 puntos, habang tumipa si Valanciunas ng 16 puntos at 12 rebound.
Nanguna si Dwyane Wade sa Miami sa nakubrang 38 puntos, habang kumana si Goran Dragic ng 12 puntos.
Gaganapina ng Game 4 sa Lunes (Martes sa Manila) sa Miami.