Mondilla

Nangibabaw ang karanasan sa dikitang duwelo ng beteranong si Clyde Mondilla kontra bagitong pro na si Jobim Carlos sa makapigil-hiningang playoff para makopo ang ICTSI Manila Masters crown nitong Sabado sa Eastridge Golf Club sa Binangonan, Rizal.

Naipuwersa ng 23-anyos na si Mondilla ang playoff nang makaiskor ng two-under 70 para sa kabuuang 283 sa regulation. Sa pagbabalik sa par-5 No.18 hole, kahanga-hanga ang second shot ni Mondilla gamit ang 3-iron sa layong 240-yard tungo sa tap-in birdie at makamit ang ikatlong titulo sa Tour.

“It was a hard-earned victory and I’m lucky I did it,” sambit ni Mondilla, nag-uwi ng champion prize na P650,000.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nagbabanta si Carlos para sa makasaysayang tagumpay sa Tour bilang rookie player, ngunit sumablay ang kanyang birdie putt sa final hole ng regulation para sa 72 at isang stroke na bentahe kay Mondilla.

“I made mistakes. There were instances you cannot avoid committing lapses and it happened in the last round,” pahayag ni Carlos, sinimulan ang final round sa masaklap na mag-double-bogey sa No. 1 hole at bumagsak nang dalawang stroke sa No. 15.

“We fought many times during our jungolf days and this was the first time we played in sudden death. He played well and he deserved the honor,” sambit ni Carlos, komolekta ng P430,000 premyo.

Naisumite ni Joenard Rates, kumana ng pinakamatikas na iskor sa third round na 67, ang 71 para sa solong ikatlong puwesto na may kabuuang 287 iskor, habang magkasalo sa ikaapat na puwesto sina Rene Menor, first round leader (75) at Jay Bayron (76).

Laglag ang multi-titled na si Frankie Minoza (75) sa sosyong ikaanim na puwesto kasama si Rio Olympic hopeful Angelo Que na may kabuuang iskor na 289.

Kumana naman si Miguel Tabuena, isa pang Pinoy na may tyansang makalaro sa quadrennial meet sa Agosto, ng 70 para sa solong ikawalo tangan ang iskor na 291, habang kumubra si Dutchman Guido Van der Valk ng 74 at Chris delos Santos na may 76 para magsosyo sa ikasiyam na puwesto (292) sa torneo na itinataguyod ng International Container Terminal Services, Inc. at Pilipinas Golf Tournaments, Inc.