SA wakas, Mayo 9 na, Araw ng Halalan na, at magtutungo ang mga botante sa mga voting precinct sa buong bansa upang bumoto. Dahil automated na ang eleksiyon, inihayag ng Commission on Elections na malalaman na kung sino ang nanalong presidente sa loob ng tatlong araw.
Kapag nanalo si Senator Miriam Defensor Santiago, mangangahulugan ito na pinili ng mga botante na balewalain ang kanyang problemang pangkalusugan at sa halip ay ikinonsidera ang kanyang kahanga-hangang kuwalipikasyon para maging susunod na pangulo ng bansa, at pinaniwalaan ang kanyang ipinangako na ihahabilin ng kanyang administrasyon sa hahalili sa kanya ang isang bansang mayaman, matatag, at higit na nagkakaisa kumpara ngayon.
Sakaling si Vice President Jejomar Binay naman ang manalo, ibig sabihin ay hindi binigyang-bigat ng mga botante ang ilang dekada na mga akusasyon ng kurapsiyon laban sa kanya noong siya pa ang alkalde ng Makati City, at pinili ang isang may kakayahan para mahusay na pangasiwaan ang napakaraming responsibilidad ng pambansang gobyerno, resolbahin ang problema ng kahirapan, at pagsama-samahin ang magkakakontrang pinuno ng bansa para buong pagkakaisang maglingkod sa bayan.
Kung si Sen. Grace Poe naman ang mahahalal, nagdesisyon ang mga botante na tanggapin ang naging desisyon ng Korte Suprema na nagpapahintulot sa kanyang kumandidato sa pagkapangulo kahit walang malinaw na pasya kung siya ba ay isang natural-born Filipino na 10 taon nang naninirahan sa Pilipinas, at piniling pagtuunan ng halaga ang kanyang kabataan, ang kanyang malasakit sa mga maralita, at ang pagpapakita niya ng malayang diwa bilang mga katangian na kailangan ng ating bansa para sa isang pangulo.
Kapag nahalal si Mar Roxas, malinaw na hindi ikinonsidera ng mga botante ang mga akusasyong iniuugnay sa kanya tungkol sa mga kapalpakan ng Department of Transportation and Communication at ng Metro Rail Transit, pinahahalagahan ang naging pamana ng Daang Matuwid ni Pangulong Aquino, at naniniwalang may sariling paninindigan at desisyon si Roxas, at magkakaroon din ng sariling paraan ng pamumuno bilang Presidente.
At sakaling si Mayor Rodrigo Duterte ang maluklok sa puwesto, nangangahulugan ito na hindi mahalaga para sa mga botante ang kanyang masamang biro tungkol sa panggagahasa, ang kanyang pagmura sa Santo Papa, ang umano’y milyun-milyong piso sa kanyang mga bank account, at ang kanyang banta na bubuwagin ang Kongreso, at nanindigan na siya lamang ang natatanging pinuno na handang umaksiyon laban sa maraming kakulangan ng gobyerno at sakit ng lipunan, kabilang ang kriminalidad at ang pagkakamali ng mga pribilehiyo para lamang sa iilan. Katumbas nito ang pambansang diskuntento sa administrasyon at ang kabuuan ng status quo ay hindi gaya ng ating inaakala.
Magkakaiba ang kakayahan at pinaghuhugutan ng lahat ng kandidato at umaasa ang nabibilang sa mas mahusay na organisasyon na sa halalang ito na marami ang walang katiyakan, kabilang ang mga survey na hindi tinatanggap ng lahat, ang kanilang mga pagsisikap at pagbabahagi ng pondo sa nakalipas na mga araw ay naging malaking tulong.
Sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw, dapat na alam na natin kung alin sa limang tagpo ng tagumpay na idinetalye rito ang magkakatotoo. Anuman ang mangyari, mahalagang tanggapin ang desisyon ng mamamayan at dapat na magkaisa ang bansa sa pagsuporta sa bago nating pinuno, sa bagong pangulo ng Pilipinas.