Canelo Alvarez

LAS VEGAS (AP) — Hinayaan ni Canelo Alvarez na ang kamao ang magsalita para patunayan na mas matikas siya kay Amir Khan.

Ipinatikim ni Alvarez ang nakaririnding knockout kay Amir sa ikaanim na round para panatilihin ang World Boxing Council (WBC) middleweight title nitong Sabado (Linggo sa Manila) sa T-Mobile Arena dito.

Binilangan ni referee Kenny Bayless si Khan may 2:37 sa ikaanim na round.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kaagad na dinamayan ni Alvarez ang walang malay na si Khan, bago hinamon si Gennady Golovkin, nanonood sa ringside, na harapin siya para patunayan kung sino ang karapat-dapat na tawaging kampeon.

“I invited him to come into the ring,” pahayag ni Alvarez. “Right now I will put the gloves on again.”

Malaki ang posibilidad na magtagpo ang landas ng dalawang kampeon dahil ang timbang lamang ang isyu na kailangang iresolba ng kani-kanilang promosyon. Nais ni Alvarez na maglaban sila sa 160-pound middleweight limit, habang nais ni Golovkin, kasalukuyang kampeon sa WBO, na magtuos sila sa mas nais niyang timbang.

“I am old school,” sambit ni Golovkin.

“Middleweight is 160. I respect the sport of boxing.”

Sumabak si Khan na 6-1 underdog, ngunit, nagpamalas siya ng kahanga-hangang bilis na ikinairita ni Alvarez.

Ngunit, dumating ang tyempong hinihintay ni Alvarez at tila punong nabuwal si Khan nang tamaan ng solid right punch ng kampeon sa kaliwang panga.

“I was getting in the ring with a big guy,” sambit ni Khan.

“Unfortunately I didn’t make it to the end.”

Ito ang unang pagdepensa ni Alvarez sa korona na nakuha niya kay Miguel Cotto noong Nobyembre sa catch weight na 155 pounds. Ayon sa WBC, babawiin nila ang titulo kay Alvarez kung mabibigo itong makipagnegosasyon sa kampo ni Golovkin sa loob ng 15 araw.

“I don’t fear anyone. We don’t come to play in this sport,” aniya.

Dinumog ng pro-Alvarez crowd ang arena bunsod na ring ng ipinagdiriwang na ‘Cinco de Mayo’ na isang holiday sa Mexican. Sa ganitong araw madalas lumalaban ang nagretiro nang si Floyd Mayweather, Jr.

Bunsod ng panalo, umabante ang karta ni Alvarez sa 47-1-1, tampok ang 33 knockouts, habang bagsak si Khan sa 31-4.