Malalaman na ngayong araw kung nakumbinse ng mga kandidato ang mga botante sa bansa na sila ang iboto ngayong Lunes.
Sa Camanava (Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela) area, masasagot na ang tanong kung magkakaroon pa ng ikalawang termino si incumbent Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, o mababawi ni Recom Echiverri ang pagiging alkalde ng lungsod.
Sigurado naman si Navotas City Mayor John Rey Tiangco na matatapos niya ang huling termino, dahil wala siyang kalaban.
Target naman ng pinsang buo ni Pangulong Aquino na si Lenlen Oreta na muling manalo para sa kanyang huling term, katunggali si Jaye Lacson-Noel para sa mayoralty position sa Malabon City.
Umaasa naman si Atty. Magi Gunigundo na hindi matatapos ni Valenzuela City Mayor Rexlon T. Gatchalian ang huli nitong termino, dahil kahit manalo ang huli ay hindi ito maaaring iproklama dahil sa pagsibak dito ng Office of the Ombudsman, kaugnay ng sunog sa Kentex factory noong Mayo 13, 2015, na ikinasawi ng 74 na manggagawa.
Matatandaang nagdesisyon ng perpetual disqualification ang Ombudsman laban kay Gatchalian, at nakakuha lang ang alkalde ng 60-days Temporary Restraining Order (TRO) sa Court of Appeals.
Kapag nagkataon, manalo man sa halalan si Gatchalian ay may posibilidad na ang mauupong mayor sa Valenzuela ay ang magwawaging vice mayor sa pagitan nina Mar Morelos at Lorie Natividad-Borja. (Orly L. Barcala)