ANG Europe Day ay isang selebrasyon ng kapayapaan at pagkakaisa sa Europe, na ipinagdiriwang tuwing Mayo 9 ng bawat taon. Layunin nitong umani ng tuluy-tuloy na suporta para sa European Union (EU) at turuan ang mamamayan sa mga miyembrong estado at sa buong mundo tungkol sa mga merito ng mga organisasyong gaya nito.
May dalawang magkahiwalay na designasyon ang Europe Day: Ang Mayo 5, na araw ng Council of Europe, paggunita sa pagkakatatag ng Konseho noong 1949; at Mayo 9, na kilala bilang Schuman Day sa pag-alaala ng mga makasaysayang deklarasyon ni French Foreign Minister Robert Schuman noong 1950 na nagbibigay-diin sa hangaring mapag-isa ang magkakahiwalay na estado ng Europa bilang iisang komunidad. Noong 1985, pinagtibay ng European Communities, na kalaunan ay naging EU, ang mga simbolong Europeo ng Council of Europe, ngunit nagdesisyong ipagdiwang ang Europe Day tuwing Mayo 9 ng bawat taon.
Ang EU ay isang pagsasamang pang-ekonomiya at pulitikal ng mga miyembrong estado na pangunahing matatagpuan sa kontinente ng Europa. Nagsimula ito bilang pagtutulungan ng anim na bansa noong 1957 at kalaunan ay sinaklaw ang 28 bansa sa Europa ngayon. Sa kasalukuyan, kasapi nito ang: Austria, Belgium, Bulgaria, Croatia, Cyprus, Czech Republic, Denmark, Estonia, Finland, France, Germany, Greece, Hungary, Ireland, Italy, Latvia, Lithuania, Luxembourg, Malta, Netherlands, Poland, Portugal, Romania, Slovak Republic, Slovenia, Spain, Sweden, at United Kingdom.
Hangad ng EU na isulong ang pagtutulungan ng mga kasapi nito sa iba’t ibang larangan, kabilang ang ekonomiya, kalakalan, karapatang pantao, at kalikasan. Nakatupad ito at siyang responsable sa mahigit nang 60 taon ng kapayapaan, katatagan at kasaganaan sa Europa, tumulong sa pag-aangat sa uri ng pamumuhay ng mamamayan, naglunsad ng iisang European currency (ang euro), at matagumpay na itinataguyod ang iisang malayang merkado sa buong Europa para sa mga produkto, serbisyo, puwersang paggawa, at puhunan.
Binabati natin ang mga miyembrong estado at ang mamamayan ng European Union, sa pangunguna ni European Commission President Jean-Claude Juncker, sa pagdiriwang ng Europe Day 2016.