Ni Angie Oredo
Nagsipagwagi ang F2 Logistics, Standard Insurance-Navy A, RC Cola Army A at Foton sa quarterfinal round matapos magtala ng maiigting na panalo sa unang araw ng pool play ng 2016 Philippine Super Liga Beach Volleyball Challenge Cup sa Sands SM By the Bay sa Mall of Asia Arena.
Ang seeded No. 1 na tambalan nina Norie Jean Diaz at Pau Soriano ng Standard Insurance-Philippine Navy A ay nagwagi kontra sa pares nina Jennie Delos Reyes at Gennie Sabas, 21-18 at 24-22, upang pamunuan ang Pool A.
Ang seeded No. 2 na F2 Logistics na binubuo ni Danica Gendrauli at Abby Marano ay namayani kina Maica Morada at Frances Molina para manguna sa Pool B.
Namuno naman sa Pool C ang seeded No.3 na Foton Toplaner pair nina Cherry Rondina at Patty Orendain kontra seeded No.7 na Petron XCS nina Aiza Maizo-Pontillas matapos itala ang dalawang panalo.
Dalawang sunod na panalo ang agad na naitala ng seeded No. 8 RC Cola-Army A nina Juvelin Gonzaga at Nerissa Bautista upang manatiling tanging koponan na may malinis ang kartada sa Pool D. Tinalo nito ang FEU-Petron nina Bernadeth Pons at Kyla Atienza sa tatlong set, 19-21, 21-16 at 15-13 bago pinatalsik ang Cignal Team Awesome sa dalawang set, 21-15 at 21-14.
Pinag-aagawan ng RC Cola Army B na may 1-1 panalo-talo at UE Manila na may 0-1 karta ang ikalawang puwesto patungo sa quarterfinals para sa Pool A. Huling sasagupain ng UE Manila nina Angelica Dacaymay at Jasmine Alcalde ang pares nina Diaz at Soriano ng Navy A.
Agawan naman ang Petron Sprint 4T na may 1-1 panalo-talo karta at Standard Insurance-Philippine Navy Team B na may 0-1 karta sa Pool B. Huling makakasagupa ng Navy B ang F2 Logistics.
Hindi na makakahabol ang Accel Quantum Plus sa Pool C habang pag-aagawan naman ng FEU-Petron at Meralco na kapwa may 1-1 panalo-talong karta ang ikalawang puwesto na uusad sa quarterfinal round sa Pool D.
Sasabak sa men’s side sina Madsairi Nur-amin at Roldan Medino para sa Philippine Navy-A; Pajiji Alsali at Milover Parcon sa Philippine Navy-B; Rey at Reylan Taneo sa Cignal Team Awesome; Philip Bagalay at Paul John Cuzon sa Wayuk; Arjay Salcedo at Bobby Gartidula sa IEM; Geric Rodmar Ortega at Ruvince Abrot sa UE-Manila; Joshua Barrica at Jude Garcia sa FEU-A; Rikko Mamerto at Kevin Hadlocon sa FEU-B; at ang kambal na sina Daniel at Tim Young para sa SM By the Bay.