Naungusan ni second seed Ira Alido si top ranked Tom Kim ng Korea, 9 and 7, para makopo ang boys’ title ng 2016 Philippine Junior Amateur Match Play Golf Championship nitong Sabado sa Alabang Country Club.

Umusad sa championship match ang 15-anyos na si Alido nang gapiin si Aniceto Mandanas, 5 and 4.

Bunsod ng panalo, napigilan ni Alido ang target ni Kim na walisin ang national title nang pagwagihan ng Korean star ang stroke play championship sa nakalipas na buwan.

Samantala, naiuwi ni Yuka Saso ang korona sa girls division kontra Hwang Min-jeong, 2-up.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Abante si Saso sa 3-up matapos ang front nine bago naisalba ang matikas na ratsada ng karibal para masiguro ang panalo.

Kumpiyansa sa laban si Saso matapos magwagi kay Kristine Torralba, 5 and 4, habang nagwagi si Hwang, kampeon sa Ladies Philippine Golf Tour at Mt. Malarayat sa nakalipas na taon.

Naiuwi naman ni defending champion Harmie Constantinto ang panalo kontra Torralba, 4 and 3 sa ikatlong puwesto.

Tinalo ni Ivan Monsalve si Polo Lauron, 6 and 5, bago winalis si Luigi Guerrero, 6 and 5, para sa 18-pataas ng torneo.

Nakamit naman ni Perry Bucay ang titulo boys 13-and-below kontra Francis Lanuza, 5 and 4, sa boys’ 13-and-below crown, habang naungusan ni Mikaela Arroyo si Sunshine Zhang, 2 and 1, sa torneo na itinataguyod ng MVP Sports Foundation, PLDT, Smart, Metro Pacific Investments Corp. at Philippine Sports Commission.