Dalawampu’t tatlong overseas Filipino worker (OFW) mula sa Syria ang inaasahang darating sa Maynila sa susunod na linggo, matapos silang kumuha ng mandatory repatriation program na alok ng gobyerno dahil sa patuloy na kaguluhan sa naturang bansa.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), inaasahan ang pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ng 23 Pilipino, sakay ng flight QR 932, dakong 4:00 ng hapon sa Mayo 12.
Naging posible ang pagpapauwi sa grupo ng Pilipino sa pinag-isang ayuda ng mga Embahada ng Pilipinas sa Damascus, Syria at Beirut, Lebanon gayundin ang suportang ipinagkaloob ng International Organization for Migration (IOM) na sumagot sa ticket ng naturang mga kababayan.
Sa kanilang pagdating, may kabuuang 5,814 na Pilipino na ang nakauwi simula nang magkaroon ng tensiyon sa Syria noong 2011.
Tuloy ang mandatory repatriation program para sa mga natitirang kababayan sa Syria kasunod ng panawagan ng Embahada ng Pilipinas sa Damascus sa kanilang mga kaanak na ipabatid ang eksaktong kinaroroonan at contact details ng kanilang mga mahal sa buhay doon upang agad na maayudahan.
Maaaring tumawag sa Embassy sa 00963-11-6132626, 00963-949155557, 00963-934957926; o mag-email sa [email protected]. (Bella Gamotea)