Tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco) na siyento por siyentong handa ang supply ng kuryente sa kanilang mga franchise area para sa eleksiyon bukas.
Ito ang inihayag ni Engr. Ferdie Geluz, head ng Meralco Action Center, sinabing nakumpleto na ng kumpanya ang pag-iinspeksiyon at pagmamantine sa mga distribution facility nito.
Magtatalaga rin ang Meralco ng mga tauhan sa 200 generator set nito para umayuda sakaling magkaroon ng power interruption sa ilang lugar.
Kasabay nito, nanawagan si Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco, na huwag gumamit ng lobo, paputok, at confetti sa halalan bukas para hindi maiwasan ang brownout o sunog.
Bukod pa rito, nanawagan ang Meralco sa mga magmamando sa halalan na mag-ingat sa mga voting precinct.
Payo pa ni Zaldarriaga, kung walang maiiwang tao sa bahay sa eleksiyon, siguruhing maayos ang kalagayan ng wiring installations at iwasan ang octopus wiring, bunutin ang mga nakasaksak sa mga electrical outlet habang wala sa bahay, at iwasan ang sabay-sabay na paggamit ng appliances para maiwasan ang electrical overload. (Jun Fabon)