BEIJING (Reuters) – Tatalbog na parang kuwerdas ang pandaigdigang pagbatikos sa China kaugnay ng pinagtatalunang West Philippine Sea (South China Sea), sinabi ng isang mataas na Chinese diplomat noong Biyernes, inakusahan ang Pilipinas ng pagbalewala sa mga kasunduan noon pang 1898 sa pagsusulong ng karapatan nito sa karagatan.
Inaangkin ng China ang halos lahat ng bahagi ng West Philippine Sea na mayaman sa langis, at dinaraanan ng mahigit $5 trillion kalakal bawat taon. Mayroon ding overlapping claim ang Pilipinas, Brunei, Vietnam, Malaysia at Taiwan.
Ikinabahala ng buong mundo ang lumalakas at agresibong mga hakbang ng China sa mga tubig, kabilang na ang pagtatayo ng mga artipisyal na isla at paliparan, at nagbabala ang Group of Seven (G7) advanced economies nitong nakaraang buwan na tutol sila sa tensiyon lugar.
Magtitipon ang mga lider ng G7 sa isang summit sa Japan sa huling bahagi ng buwang ito.
Sinabi ni Ouyang Yujing, Director-General ng Department of Boundary and Ocean Affairs ng Chinese Foreign Ministry, na napapansin niya kamakailan ang mga batikos sa China mula sa mga nasa labas ng rehiyon.
“Of course we’re willing to take on board constructive comments and criticism by the relevant countries,” sabi ni Ouyang sa isang news briefing.
“But if they are aimed at putting pressure on China or blackening its name, then you can view it like a spring, which has an applied force and a counterforce. The more the pressure, the greater the reaction,” aniya.
Pinaiigting ng China ang mga pahayag ng pagdepensa nito bago ang inaasahang paglabas ng desisyon sa mga susunod na araw ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague sa kasong idinulog ng Pilipinas laban sa China sa pang-aangkin sa South China Sea.
Nagpahayag ng pagkabahala ang mga opisyal ng U.S. na ang desisyon ay maaaring magtulak sa China na magdeklara ng air defense identification zone, gaya ng ginawa nito sa East China Sea noong 2013. Hindi ito kinumpirma o itinanggi ng China.
Naniniwala ang marami na papabor ang desisyon sa Pilipinas at magpapalala sa tensiyon sa rehiyon dahil hindi kinikilala ng China ang kapangyarihan ng korte na dinggin ang kaso, kahit na kabilang ito sa mga lumagda sa U.N.
Convention on the Law of the Sea na naging batayan ng pagdinig sa kaso.
Sinabi ni Ouyang na pinag-aralan ng China ang kaso ng Pilipinas at nagpasyang ito ay tungkol sa soberanya at pagtatakda ng hangganan sa karagatan, at karapatan ng China na hindi makilahok.
Inayos na ng tatlong nakaraang pandaigdigang kasunduan – noong 1898, 1900 at 1930 – ang mga hangganan ng Pilipinas, ayon kay Ouyang. Nakasaad sa mga kasunduang ito na ang Spratlys at Scarborough Shoal ay malinaw na pag-aari ng mga Chinese, aniya.
Ayon kay Ouyang, sinimulan ng Pilipinas ang labag sa batas na pag-okupa sa mga islang Chinese noong 1960s.