ELEKSYON na bukas. Samantalahin ang inyong karapatang bumoto. Ngunit maging matalino at responsable sa inyong pagboto.
Narito ang “10 Commandments for Responsible Voting” ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV):
*Bumoto ayon sa dikta ng inyong konsensiya.
*Respetuhin ang desisyon ng iba sa pagpili ng kanilang kandidato.
*Alamin ang moral na integridad, mga kakayahan, at iba pang personal na katangian ng inyong iboboto.
*Sikaping unawain ang mga isyu, plataporma, at programa ng mga kandidato at ng mga partidong pagkakalooban ng inyong boto.
*Huwag ipagbibili ang boto.
*Huwag ihalal ang kandidatong gumagamit ng guns, goons and gold.
*Huwag iboto ang may record ng katiwalian at kurapsiyon.
*Huwag bumoto sa dahil lamang sa utang na loob, kasikatan, o pakikisama.
*Huwag iboto ang mga kandidatong immoral ang pamumuhay.
*Unahin ang kapakanan ng bansa higit sa ano pa man sa pagpili ng ihahalal na kandidato.
***
Tuwing Mothers’ Day, naaalala ko ang kuwento ng isang batang lalaki na lumapit sa kanyang ina sa kusina habang naghahanda ito ng hapunan. Iniabot niya sa ina ang isang piraso ng papel na roon nakalista ang halaga ng kanyang mga serbisyo.
Matapos tuyuin ng ina ang mga kamay, binasa nito ang nakasulat: “Sa pagpuputol ng damo sa ating garden: P5.00. Sa paglilinis sa kuwarto ko ngayong linggo: P1.
“Sa pagsama sa ‘yo sa palengke: 50 sentimos. Sa pagbabantay sa nakababata kong kapatid habang wala ka: 25 sentimos.
Sa paglalabas ng basura: P1.
“Sa pagkakaroon ng magagandang grades: P5. Sa paglilinis atb pagwawalis: P2. Total: P14.75.”
***
Pinagmasdan siya ng kanyang ina at nakita niyang nag-iisip ito. Dinampot ng ina ang ball pen, binaliktad ang papel, at nagsulat doon:
“Sa loob ng siyam na buwan, dinala kita at lumaki ka sa sinapupunan ko: Walang bayad.
“Sa mga gabing nagpuyat ako at taimtim na nagdasal kasi may sakit ka: Walang bayad. Sa lahat ng panahong kinailangan mo ako, at sa lahat ng luha at sama ng loob na idinulot mo sa akin: Walang bayad.
“Sa pagpunas sa sipon mo, sa pagluluto ng kakainin mo, sa pagbibigay sa ‘yo ng mga laruan at damit: Walang bayad.
“Kapag sinuma mong lahat, ang halaga ng pagmamahal ki sa ‘yo: Walang kabayaran.”
Nang mabasa ng bata ang isinulat ng ina, napaiyak siya. Niyakap niya ang kanyang ina at sinabi, “’Nay, mahal na mahal ko po kayo.”
Kinuha niya ang ball pen at sa malalaking letra, isinulat niya: “PAID IN FULL”.
Happy Mothers’ Day sa lahat! (Fr. Bel San Luis, SVD)