SA iniibig nating Pilipinas at maging sa ibang bansa, mahalaga at natatanging araw ang ikalawang Linggo ng Mayo sapagkat ipinagdiriwang ang Mothers’ Day o Araw ng mga Ina.

Kinikilala at pinapahalagahan ang kanilang mga kabutihan at sakripisyo sa lipunan. Ang mga ina ay itinuturing na pinakadakilang nilalang sa daigdig at kamay na nag-uugoy ng duyan. Sa pagdiriwang Mothers’ Day, iba’t ibang gawain ang inilulunsad upang sila’y bigyang-pugay at pasalamatan. Sa mga parokya, tulad sa Diocese ng Antipolo, may espesyal na panalangin ang mga parish priest na iniaalay sa mga ina. Sila’y pinalalapit sa harap ng altar ng simbahan upang mabasbasan. At kapag natapos na ang misa, isa-isa silang binibigyan ng bulaklak.

Sa mga anak na buhay pa ang mga ina, sa Mothers’ Day maituturing silang mapapalad sapagkat mahahandugan nila ang mga ito ng regalo at mahahagkan. Ngunit sa mga ulila, pagbabalik-tanaw na lamang ang kanilang magagawa habang binibista ang labi ng kanilang mga ina.

Mahalaga na pag-ukulan ng panahon ang bawat ina sa ating lipunan. Sa kamay ng isang ina halos nakasalalay ang mga tungkuling ginagampanan sa pang-araw-araw na buhay. Bawat isa sa atin ay pinagkalooban ng Diyos ng ina na nagsisilbing ilaw at liwanag ng tahanan. At kung ilalarawan, sila ay mapagkalinga at mapagmahal. Sila ang nagdala sa atin sa kanilang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan at patuloy na nag-aaruga hanggang sa tayo’y isilang.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ayon kay yumaong Pangulong Corazon C. Aquino, ang mga ina ay nagbibigay lagi ng inspirasyon. Sila umano ang nagturo sa lahat ng mga bayani mula sa duyan hanggang sa rurok ng kanilang tagumpay. Maraming inang Pilipino ang naging bahagi ng maningning na kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas. Ang galak sa pagkakaroon ng ina ay walang-katulad.

Walang sinuman sa daigdig na ito ang maaaring ihambing sa ating ina at pumalit sa kanila.

Nagsimulang ipagdiwang ang Mothers’ Day sa taunang kapistahan ng tagsibol na idinaraos ng mga Griyego bilang parangal kay Rhea, ang ina ng mga diyus-diyosan. Sinimulan ito sa America sa pagsisikap ni Ann Jarvis noong 1905 nang hilingin niya sa pamahalaan na magtakda ng isang araw upang parangalan ang lahat ng mga ina. Nagbunga ang pagsisikap ni Ann Jarvis sapagkat noong Mayo 8, 1914, nilagdaan ni Pangulong WoodrowWilson ang resolusyon na nagtatakda na sa ikalawang Linggo ng Mayo bilang Mothers’ Day. Isang tradisyon na nakarating sa iba’t ibang bansa.

Sa Pilipinas, ang pagdiriwang ng Mothers’ Day ay ipinahayag ni Pangulong Manuel L. Quezon noong 1936 tuwing unang Lunes ng Disyembre. Ngunit nang maging pangulo ng Pilipinas si Pangulong Corazon Aquino noong 1986, sa bisa ng Proclamation No. 266, inilipat ito sa ikalawang Linggo ng Mayo. (Clemen Bautista)