MADRID (AP) — Muling nagsanga ang landas nina Andy Murray at Rafael Nadal sa kanilang pagtatagpo sa semi-finals ng Madrid Open -- rematch ng kanilang duwelo sa finals na pinagwagian ng British star.
Magtutuos naman sa hiwalay na semis match sina Novak Djokovic at Kei Nishikori.
Ginapi ng second-ranked na si Murray si Tomas Berdych, 6-3, 6-2, nitong Biyernes (Sabado sa Manila) para sa ikalawang sunod na pagtuntong sa final four ng torneo.
Naisalba naman ni Nadal ang matikas na pakikihamok ni Joao Sousa ng Portugal, 6-0, 4-6, 6-3.
Umusad sa susunod na round ang top-ranked na si Djokovic nang pabagsakin si Milos Raonic, 6-3, 6-4, habang nakalusot ang sixth-ranked na si Kei Nishikori kay Nick Kyrgios, 6-7 (6), 7-6 (1), 6-3, sa larong umabot sa dalawa’t kalahating oras.
Galing sa kabiguan kontra Nadal sa Madrid Masters kamakailan, umiskor si Nishikori ng 18 ace.
"It was a long match," pahayag ni Djokovic.
"It could have gone a different direction if I had lost the serve on that last game. But you know, that's what happens when you play somebody like Milos, one of the best servers in the game. It's very difficult to play against him, you are constantly under pressure,” aniya.
Nagdiwang naman ng kanyang ika-27 taong kaarawan si Dominika Cibulkova ng Slovakia sa masayang 6-1-6-1 panalo kontra American qualifier Louisa Chirico para umusad sa championship match ng women’s single event.
Makakaharap niya si Simona Halep, nagwagi kontra Samantha Stosur, 6-2, 6-0, sa hiwalay na semi-final match. Tanging si Halep, 2014 finalist sa Madrid, ang seeded player na umabot sa semis.