Naitala ng Foton Toplander at Standard Insurance-Philippine Navy A ang impresibong panalo sa opening round ng 2016 PSL Beach Volleyball Challenge Cup kahapon sa SM by The Bay.
Binigo nina Cherry Rondina at Patty Orendain ang nakatapat na Accel Quantum Plus nina Aileen Abuel at Princess Listana, 21-3 at 21-7 upang pamunuan ang Pool C na naiwan sa tatlong koponan matapos umatras ang Mapua.
Kinailangan lamang ng 19-anyos mula Compostella National High School at 2nd year sa University of Santo Tomas na si Rondina at 22-anyos Hospitality and Management graduate sa USLS-Bacolod na si Orendain ang 25 minuto upang makopo ang unang panalo sa Pool C.
“Medyo nag-aadjust pa rin kami ni Cherry (Rondina). Ilang beses pa lang kasi kami tumuntong sa buhangin,” sabi ni Orendain, kapareha ni Fiola Cebalos na pumangalawa sa nakaraang taon.
Nagwagi ang pares nina RC Cola-Army B Jeannie Delos Reyes at Genie Sabas kontra kina Jasmine Alcayde at Angelica Dacaymat ng UE-Manila, 21-18, 21-13 sa Pool A. Inabot lamang ng 35-minuto ang laban ng 28-taon mula USJR Cebu at Commerce Business Administration graduate na si Sabas at ang 22-anyos na si Delos Reyes.
Magaan din na nagwagi ang pareha nina Maica Morada at Ces Molina ng Petron Sprint 4T kontra kina Florence Madulid at Pauline Genido ng Philippine Navy-B, 21-17, 21-14 habang tinalo nina Bernadeth Pons at Kyla Atienza ng FEU-Petron ang tambalan nina Jonafer San Pedro at April Ross Hingpit ng Meralco, 21-14, 21-12.
Hindi naman nahirapan ang pares nina Sheila Pineda at Aiza Maizo-Pontillas ng Petron XCS matapos na umayaw sa torneo ang pareha nina Shaira Hermano at Niella Ramilo mula sa Mapua, 21-0, 21-0, sa Pool C.
Siniguro naman ng Standard Insurance-Philippine Navy A nina Norie Jean Diaz at Pau Soriano ang pag-usad sa quarterfinals sa una nitong laro matapos daigin ang pares nina Delos Reyes at Sabas ng Army B, 21-18, 24-22.
(Angie Oredo)