HANDA na para sa malawakan at komprehensibong news coverage sa pambansang eleksiyon ang ABS-CBN News simula May 9.

Magtutulung-tulong ang iba’t ibang news platform nito para maghatid ng balita at impormasyon sa mga Pilipino, nasaan man sila sa mundo -- habang binibigyang importansya rin ang mga karanasan ng mga botante pati na ang kanilang mga pananaw sa mga isyung pinag-uusapan sa social media.

Ayon kay ABS-CBN Integrated News and Current Affairs Head Ging Reyes, magkakaroon ng social media news desk na magmo-monitor sa mga pinag-uusapan ng netizens para mapalakas ang marathon coverage ng Halalan 2016 na magsisimula ng 5 AM sa Lunes (May 9) sa ABS-CBN at magpapatuloy hanggang 11:30 AM ng Martes (May 10).

Ang mga beterano at batikang broadcast journalist ng ABS-CBN ay magsasalit-salitan sa pag-anchor ng Halalan 2016: Ipanalo ang Pamilyang Pilipino election coverage ng ABS-CBN, na magpapakita ng iba’t ibang balita mula sa 40 na live points sa buong bansa na sinet-up ng ABS-CBN, maging mga balita mula sa ABS-CBN news bureau sa ibayong dagat, at ang social listening segment na magpapakita ng maiinit na isyu at paksa sa mundo ng Internet.

'TrilYULO:' Dennis, kumasa rin sa croptop challenge!

Sina Noli de Castro at Bernadette Sembrano ang unang sasalang sa election coverage sa ganap na 5 AM, susundan sila nina Julius Babao at Karen Davila sa 10 AM, at sina Ted Failon at Ces Drilon naman ang uupo sa 3 PM bago ang espesyal na edisyon ng TV Patrol pagpatak ng 6:30 PM. Sila Henry Omaga-Diaz at Lynda Jumilla ang magpapatuloy ng coverage pagdating ng 8 PM sa ABS-CBN Sports + Action, at babalik ito sa ABS-CBN kasama ang Bandila anchors na sina Babao, Davila, at Drilon pagsapit ng 10 PM. Pagkatapos, sina Omaga-Diaz at Jumilla ay babalik sa ere sa ganap na 1 AM.

Ang magsasalit-salitan naman bilang social media anchors ay sina Gretchen Ho, TJ Manotoc, Gretchen Fullido, at Dyan Castillejo.

Puwede ring maranasan ng mga Pilipino ang all-out news coverage ng ABS-CBN sa iba nitong plataporma – sa DZMM Radyo Patrol 630 sa radyo; ANC, ang ABS-CBN News Channel sa cable; DZMM TeleRadyo sa cable TV at digital TV; at online sa pamamagitan ng http://news.abs-cbn.com.

Ang espesyal na coverage ng DZMM sa Halalan 2016 ay magsisimula 10 PM pa lamang ng May 8 at magpapatuloy hanggang hatinggabi ng May 11, para masiguradong matatanggap ng mga Pilipino ang mga latest na balita sa botohan at sa bilangan. Sina Failon, Omaga-Diaz, at Davila ay magsisilbing mga anchor para sa DZMM, at kapalitan nila ang iba pang program anchors at reporters ng DZMM sa pangunguna nina Anthony Taberna, Alvin Elchico, Gerry Baja, at Vic de Leon-Lima, Ricky Rosales, Noel Almar, Rod Izon, David Oro, Dexter Ganibe, Johnson Manabat, at Ruby Tayag.

Ang ABS-CBN News Channel naman ay magbabahagi ng live updates mula sa mga presinto, balita, mga panayam, at analysis simula 3:30 AM sa araw ng eleksiyon kasama sina Cathy Yang at David Celdran sa unang bahagi. Sina Davila, Nancy Irlanda, Karmina Constantino, TJ Manotoc, Ron Cruz, Edric Mendoza, Tony Velasquez, Jumilla, Teddy Boy Locsin, Tina Palma, Gigi Grande, at Christian Esguerra ay hahalili rin sa pagiging anchor at sina Paolo Abrera, Lexi Schulze, at Ria Tanjuatco ang hahawak ng social listening segment.

Maaari ding maging updated ang mga Pilipino online sa pagbista sa http://news.abs-cbn.com o sa “Halalan 2016” microsite ng ABS-CBN News (http://news.abs-cbn.com/halalan2016).

Makukuha rin ang pinakabagong election results sa pamamagitan ng Twitter. Simula sa gabi ng May 9, sa pagsasara ng botohan, kahit sinong Twitter user ay puwedeng i-tweet ang @ABSCBNNews gamit ang #HalalanResults hashtag para makuha ang pinakabago sa bilangan para sa pangulo, bise-presidente, senador, at party list. Bahagi pa rin ito ng kampanyang “Ipanalo ang Pamilyang Pilipino” ng ABS-CBN News na nais himukin ang mga Pilipino para maging aktibo ngayong halalan at isaalang-alang ang kabutihan ng kanilang pamilya sa kanilang pagboto.