ANG Araw ng mga Ina ay ipinagdiriwang tuwing ikalawang Linggo ng Mayo sa maraming bansa sa mundo, kabilang ang Pilipinas. Ipinagdiriwang din ito ng ibang bansa sa ibang pagkakataon, gaya sa Bolivia, Ethiopia, France, Indonesia, Israel, Middle East, Nepal, Nicaragua, Thailand, at sa ilang dako ng Europa, kabilang ang United Kingdom. Ang araw ay pagbibigay-pugay sa milyun-milyong kababaihan sa mundo na: nagdala ng buhay sa kani-kanilang sinapupunan; ang unang bumabangon sa umaga para ayusin ang pangangailangan ng pamilya, pero huling nagpapahinga sa gabi matapos matiyak na maayos at handa ang tahanan para sa panibagong araw kinabukasan; at pinagkakasya ang panggastos sa bahay sa pamamagitan ng kanilang pagsisikap. Sapat ang kanilang yakap upang bigyang ginhawa ang isang balisang anak, at ang kanilang kutob at kakayahan ay karaniwan nang hinahagilap kapag nahaharap ang mga anak sa malakihan at mahahalagang desisyon sa buhay.

Sa Pilipinas, gaya sa United States, ang araw ay ipinagdiriwang sa pagkakaloob sa mga ina ng mga greeting card, regalo, tsokolate o bulaklak. Itinuturing itong isa sa pinakamalalaking holiday na pinagkakagastusan. Sa araw na ito, karaniwan nang binibigyan ng mga pamilya ang mga ina ng tahanan ng pahinga mula sa mga gawain sa bahay. Sa mga Pilipino, tinatawag ang ating mga “Nanay”, “Inay”, “Ina”, “Mommy”, “Mamu”, “Mamuy”, “Mudra”, at “Mudrakels”, bilang ang ilaw ng tahanan, dahil sila ang nagtuturo ng mahahalagang pangaral at gabay ng moralidad sa kanilang mga anak at sa mga batang miyembro ng pamilya at komunidad. Sagana ang kasaysayan sa mga halimbawa kung paanong ang kanilang pag-aaruga at inspirasyon ay naghubog ng mga bayani at iba pang dakilang kalalakihan at kababaihan.

Ang pagsisimula ng modernong selebrasyon na ito ay matutunton sa panahon ng mga sinaunang Griyego at Romano na nagdaos ng mga kapistahan bilang pagbibigay-pugay sa mga inang diyosa na sina Rhea at Cybele; ang “Mothering Sunday” na ginugunita tuwing ikaapat ng Linggo ng Kuwaresma at isang pangunahing tradisyon sa United Kingdom at sa ilang bahagi ng Europa, na orihinal na itinuturing na panahon kung kailan ang mga mananampalataya ay bumabalik sa kanilang “mother church”—ang pangunahing simbahan sa bisinidad ng kanilang tahanan—para sa isang espesyal na serbisyo; at ang modernong konsepto na pinasimulan noong 1905 ni Anna Jarvis, na nangampanya sa mga pulitiko ng kanyang panahon upang magtalaga ng isang araw para gunitain at pahalagahan ang mga pagsisikap at mga pagsasakripisyo ng lahat ng ina, at nagbunsod kay US President Woodrow Wilson upang lagdaan noong Mayo 8, 1914 ang isang Joint Resolution na nagtatakda sa ikalawang Linggo ng Mayo bilang Mothers’ Day.

Ano man ang petsa sa aktuwal na pagsisimula nito, nananatiling espesyal ang Araw ng mga Ina upang ipagdiwang ang mga ina at magbigay-pugay sa pagkakaroon ng supling, na isang 24-oras na trabaho, na walang katumbas na kabayaran.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sikapin nating gawing tunay na espesyal ang araw na ito para sa ating mga ina, asawa, kapatid na babae, lola, at biyenang babae. Mas pinadala, mas pinabilis, at mas pinasaya na ito ng modernong teknolohiya, sa paglikha ng mga personal na pagbati mula sa mga card hanggang sa mga slide, pelikula at video. Maaaring bigyan sila ng bulaklak, isang greeting card, isang libro, isang alahas, o iba pang regalo; o hayaan silang mamahinga mula sa mga araw-araw na gawain at dalhin sila sa sinehan, sa spa, o bigyan ng make-over. Puwede rin silang ilabas para sa isang espesyal na hapunan, o isama sa isang hindi malilimutang bakasyon. Sa anumang paraan mo man gagawin ang pagbibigay-pugay sa iyong ina, tandaang dapat na lagi nitong kalakip ang tunay na pagmamahal at walang maliw na respeto na buong taon niyang pasasalamatan.

Maligayang Araw ng mga Ina sa lahat!