Limang Pilipinong scientist ang napabilang sa Top 100 Scientists in Asia kamakailan.
Ang listahan ay inilabas ng The Asian Scientist Magazine (ASM), isang online publication na naglalayong ipalaganap ang kamalayan sa kalidad ng pananaliksik sa Asia.
Apat sa mga Pinoy scientist ay miyembro ng National Academy of Science and Technology (NAST), isang katuwang na ahensiya ng Department of Science and Technology (DoST).
Sila ay sina National Scientist (NS) Ramon Barba, Angel Alcala, Edgardo Gomez at Gavino Trono, Jr.
Ang isa pang Pinoy scientist ay si Alfredo Mahar Francisco Lagmay, miyembro ng National Research Council of the Philippines (NRCP), na katuwang na ahensiya rin ng DoST.
Si NS Barba, pangatlo sa listahan, ay kinilalang national scientist noong 2014 sa pagdebelop niya ng mango flowering induction technology, na nagpapahintulot ng buong taon na produksiyon ng mangga. Siya rin ang nagpasimula ng tissue culture ng saging at tubo para sa micropropagation.
Si NS Alcala ay nasa pampito. Noong 2014, idineklara siyang national scientist dahil sa kanyang outstanding contribution sa systematics, ecology, at diversity ng mga amphibian at reptile, at conservation ng marine-protected areas.
Si NS Gomez ay nasa ikasiyam na puwesto sa listahan. Ginawaran siya ng national scientist noong 2014 sa kanyang pioneering contributions sa invertebrate biology and ecology, giant clam culture and restoration, at assessment and conservation ng coral reef. Si Lagmay, ika-10 sa listahan, ang executive director ng Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards) ng DoST.
Tumanggap siya ng 2015 Plinius Medal mula sa European Geosciences Union sa kanyang pananaliksik sa mga likas na panganib at kalamidad sa Pilipinas.
Si NS Trono Jr. ay nasa ika-12. Noong 2014, kinilala siya bilang national scientist dahil sa kanyang kontribusyon at tagumpay sa tropical marine phycology, partikular na sa seaweed biodiversity, taxonomy, culture, at ecology.
Upang mapabilang sa listahan, ang honoree ay kailangang tumanggap ng national o international prize noong 2014 o 2015 para sa kanyang scientific research na ang selection procedure ay competitive o sa parehong panahon, ang honoree ay maaaring nakagawa ng scientific discovery o leadership na pinakinabangan ng academia o ng industriya.
Binanggit ng NAST na ang ranggo at titulo ng national scientist ay ang pinakamataas na parangal na maigagawad ng gobyerno ng Pilipinas sa mga Pinoy scientist.
Samantala, ayon sa ASM, ang listahan ay produkto ng isang taong pangongolekta ng mga dokumento at rekord ng mga scientific award at breakthrough sa buong rehiyon.
Idinagdag ng ASM na ang top 100 scientists sa Asia ay nagmula sa iba’t ibang larangan: agriculture; astronomy; biomedical sciences; environmental and geology; engineering; chemistry; information technology; mathematics; physics; business; at leadership. Sa 100 top scientist, 33 ay mula sa Japan, 26 mula sa China, 15 mula sa India; 10 mula sa South Korea; anim mula sa Singapore, lima mula sa Pilipinas; tig-dalawa mula sa Thailand at Vietnam; at isa mula sa Malaysia. (PNA)