Nakaalerto ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang tiyakin na magiging ligtas at payapa ang pagdaraos ng eleksiyon bukas.

Para gumabay sa halalan hanggang sa Martes, Mayo 10, magpapakalat ang MMDA ng mahigit 2,000 tauhan upang magmando ng trapiko sa mga lansangan malapit sa mga voting precinct sa Metro Manila.

Sa pulong nitong Biyernes, ipinag-utos ni MMDA Chairman Emerson Carlos ang pagpapakalat ng kabuuang 2,664 na tauhan nito bilang bahagi ng traffic management plan ng ahensiya para bukas.

Bukod sa mga polling center at mga eskuwelahan sa Metro Manila, sinabi ni Carlos na magtatalaga rin ng mga traffic enforcer sa Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Maynila; at sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, na pagdarausan ng canvassing ng mga boto.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nagpakalat din ang MMDA ng mga tauhan nito sa mga bus terminal, pantalan, at mga daanan papasok at palabas ng Metro Manila, kabilang ang North Luzon Expressway, South Luzon Expressway, Coastal Road, McArthur Highway, Marcos Highway, Mindanao Avenue at A. Bonifacio Drive.

Nagtalaga rin si Carlos ng mga traffic personnel at maglilinis sa mga pinagdausan ng miting de avance sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila kahapon. (Anna Liza Villas-Alavaren)