ISA nang regular na tanawin ang pagkakadaong ng 30-talampakan ang haba na bangka na may markang “Marvin” sa talahibang bahagi ng dalampasigan, mistulang nakatunghay sa South China Sea, nakatengga roon simula nang itaboy ng coast guard ng China ang mga Pilipinong mangingisda sa isang marahas na kumprontasyon apat na taon na ang nakalilipas.

Noon, malayang pinagkakakitaan ng 10 tripulante nito ang saganang huli sa Panatag o Scarborough Shoal sa Zambales.

Ngunit simula nang magpatrulya sa karagatan ang China, sinabi ng mga mangingisda ng Masinloc na napilitan silang maghanap ng ibang ikabubuhay sa pampang, o kaya naman ay naging mga tricycle driver.

Matagal nang pinananabikan ng mga mangingisda na muli silang makasakay sa kanilang bangka upang makapalot at umaasa sila ngayon na sa pamamagitan ng eleksiyon sa Lunes ay makasasandig sila sa isang bagong pangulo na may sapat na paninindigan upang harapin ang pagiging agresibo ng China sa mga pinag-aagawang isla sa South China Sea.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang bagay na ito, anila, ay nag-aalanganing gawin ni Pangulong Benigno S. Aquino III, habang ang nangunguna sa mga presidential survey at malaki ang posibilidad na pumalit sa kanya, ang prangkang alkalde ng Davao City na si Rodrigo Duterte, ay una nang nagpahayag na personal niyang haharapin ang Beijing tungkol sa usapin.

“Gusto namin ng isang matapang na presidente na magtataboy sa China sa dagat na pagmamay-ari ng Pilipinas,” sabi ng kapitan ng bangkang Marvin na si Biany Mula. “Hindi ‘yun sa kanila.”

Ito rin ang sentimyento ng mga mangingisda mula sa Vietnam at Malaysia, matapos na lumawak ang sinasaklaw ng mga bangkang pangisda ng China, kasama ang coast guard armada, sa nine-dash line na nagtatakda sa pag-angkin ng Beijing sa nine-tenths ng pinaka-pinag-aawagang dagat sa mundo.

Dahil sa maliit at kapos sa kagamitang sandatahan, tumatanggi ang Pilipinas sa anumang kumprontasyon sa China, ngunit mariin nitong iginigiit ang pag-angkin sa Spratly Islands at ang karapatan nito sa mga yamang-dagat sa lugar.

Ikinagalit din ng China ang pagkuwestiyon ng Pilipinas sa pag-angkin nito sa mga isla na idinulog sa Permanent Court of Arbitration sa Hague. Tumanggi ang China na kilalanin ang awtoridad ng korte o tumalima sa magiging desisyon nito, na inaasahang ibababa na sa mga susunod na linggo.

Positibo ang ilang mangingisdang Pilipino na makahahanap ng epektibong solusyon sa problema ang bagong pangulo.

“Boboto ako dahil alam kong may isa na may kakayahan upang resolbahin ang isyu sa Scarborough Shoal,” sabi ni Alexander Manzano, habang abala sa pagkukumpuni ng kanyang bangka. “Naniniwala akong may makakagawa nun. Kaya, boboto ako.”

Gayunman, nang talakayin sa debate ng mga kandidato sa pagkapangulo ang tungkol sa pakikipag-agawan ng teritoryo sa China, hindi malinaw—at marami ang itinuring na biro—ang naging tugon ni Duterte. Sinabi ng alkalde na hindi niya isusugal ang Philippine Navy ngunit personal siyang magtutungo sa Spratlys, sakay ng jetski, at ititirik doon ang watawat ng Pilipinas.

Bagamat ipinagbabawal sa militar na pag-usapan ang tungkol sa eleksiyon, sinabi ng ilang matataas na opisyal nito na naniniwala sila sa mga ideya ni Duterte sakaling ito ang maging susunod nilang commander-in-chief.

May dating para sa sandatahan ang sinabi ng alkalde tungkol sa pagdurog sa bandidong grupo na nasa likod ng mga pagdukot para makasingil ng ransom, kasabay ng pangakong uunahin ang kapakanan ng militar, at gagawing prioridad ang pambansang seguridad. (Reuters)