TIYAK na hanggang sa mismong araw ng halalan, parang hilong-talilong, wika nga, na magpapalipat-lipat ang mga tinaguriang “political butterfly”; kung anu-anong partido ang kanilang susulingan at kung sinu-sinong kandidato ang kakapitan.
Sa ganitong rigodon tuwing eleksiyon, iisa ang maliwanag na dahilan: Sariling kapakanan. Ibig sbaihin, kung anu-ano ang mapakikinabangan at kung sino ang magiging kaagapay sa pag-asam ng kapangyarihan. Sa ganitong situwasyon, ang mga miyembro ng pamilya, magkakaibigan, magkakaalyado at kahit na magkakapanalig sa relihiyon ay pinaglalayo ng pulitika.
Sa pagbusisi sa masalimuot na isyu hinggil sa political butterfly, wala tayong tutukuying partikular na mga personalidad. Manapa, tutumbukin natin ang mga dahilan ng paglilipatan ng suporta ng mga botante, ng mismong mga kandidato at ng ilang malalaking negosyante.
Isang malaking pulitiko, halimbawa, ang biglang lumundag sa kabilang lapian dahil sa bigla ring bumulusok sa survey ang dati nitong sinusuportahan. Hindi niya marahil matanggap na ang mga survey ay hindi naman ganap na mapagkakatiwalaan sapagkat ang mga ito ay pangkondisyon lang ng isipan ng mga botante. Maaari rin namang higit na makabuluhan ang mga plataporma ng nilipatan niyang presidential bet; na ang dati niyang kaalyado ay masyado nang binubugbog sa isyu tungkol sa mga katiwalian samantalang ang nilipatan niyang presidential bet ay determinado sa paglipol ng kriminalidad at kurapsiyon at iba pang anyo ng mga alingasngas.
Matindi ring batayan ang kalansing ng salapi sa paglundag ng mga botante at mga pulitiko sa iba’t ibang partido.
Hindi maitatanggi na ang kuwarta ay kakambal ng pulitika. Highest bidder ang eleksiyon, wika nga. Talamak ang pagbili ng boto. Kapag ang isang kandidato ay nasasaid na sa campaign funds, isa-isang naglalayuan ang kanyang mga supporter at biglang lumilipat.
Ganito rin ang nangyayari sa ilang malalaking negosyante. Lantad ang kanilang pagsuporta sa mga kandidato, lalo na sa mga presidential bet subalit lihim ang kanilang pagtulong sa lahat ng kandidato. Ibig sabihin, tinutulungan nila ang lahat upang matiyak ang kanilang panalo: ginagawang negosyo ang pulitika para sa kanilang masakim na kapakanan.
Hindi dapat maghari ang naturang mga eksena. Marapat na timbangin natin kung sinu-sino ang karapat-dapat sa huwarang pamamahala. (Celo Lagmay)