NAGSISIMULA nang magkaroon ng bagyo sa Pilipinas, na nagdudulot ng biglaang pag-ulan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Wala pang tuluy-tuloy na pag-ulan na kasunod ng tag-init; hindi pa ito mararanasan hanggang sa katapusan ng Mayo.
Ngunit ang panaka-nakang pag-ulan sa hapon ay nakapagdudulot ng ginhawa sa matinding init ng panahon na ilang linggo na nating tinitiis.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) dapat na asahan ng bansa ang mas matinding init ng panahon ngayong linggo. Inaasahang papalo ang temperatura sa Tuguegarao City sa Cagayan sa hanggang 41.5 degrees Celsius at binigyang babala ang publiko laban sa heat cramps at heat exhaustion, at ang paglubha nito ay maaaring mauwi sa heat stroke.
Ang tag-init ngayong taon ay pinatindi ng El Niño phenomenon, ang pag-iinit ng equatorial Pacific, na nagdudulot ng bibihirang pag-ulan sa maraming bahagi ng mundo, kabilang na sa Pilipinas, partikular sa Mindanao. Dahil sa tagtuyot, nagkandabitak-bitak na ang mga palayan sa bansa, at napinsala ang maraming pananim, kabilang ang mais at palay.
Ngayong linggo, iniulat ng India, Thailand, at Vietnam, ang pangunahin sa produksiyon ng bigas sa mundo, na nabawasan ang kani-kanilang ani. Karaniwan nang umaabot sa 60 porsiyento ng 43 milyong tonelada na pandaigdigang kalakalan sa bigas ang produksiyon ng tatlong bansang ito. Dahil sa tagtuyot, inaasahang bababa sa ‘sangkatlong bahagi ang imbentaryo ng bigas sa tatlong bansang ito. Umasa tayong makasapat sa ating mga pangangailangan ang bigas na inangkat ng Pilipinas mula sa Thailand dahil na rin sa kakaunti ang pandaigdigang supply.
Ang posibilidad ng problemang ito sa bigas ang isa sa mga dahilan kaya ipinananalangin natin na magsimula nang mag-uulan, upang mapakilos na ang sarili nating sektor ng agrikultura para makapag-ani ng bahaging hindi natin maiaangkat ngayong taon. Kung ang umiiral na tagtuyot ay makatutulong upang mapasigla ng gobyerno ang agrikultura, mas mainam. Dapat na maging pangunahing bahagi ng mga plano ng susunod na administrasyon ang pagpapasigla sa produksiyong agrikultural.
Kapag nagsimula na ang pag-uulan sa huling bahagi ng buwang ito, magdadala ito ng isa pang problema—ang baha. Hindi tamang idahilan ng mga lokal na pamahalaan, partikular sa Metro Manila, ang kaabalahan sa eleksiyon sa pagpapabaya sa taunang paglilinis sa mga kanal at daluyan. Dahil kalaunan, ang biyayang ulan ay magiging malalakas na bagyo, gaya ng ‘Yolanda’. Mahalagang handa tayo sa lahat ng hagupit ng kalikasan.