BUKAS ay kapistahan ng PAG-AKYAT ni Jesus sa langit. Ang Kanyang pag-akyat sa langit ay hindi nangangahulugan ng masyadong “space travel” kundi ito ay nangangahulugan ng panibagong yugto sa buhay ni Kristo.
Ang pag-akyat Niya ay hindi isang uri ng “retirement from public service”matapos gampanan ang kanyang misyon.
Sabi nga mismo ni Jesus: “Did not the Christ have to suffer...before entering into his glory?” (Lk 24,26).
Bukod pa riyan, ang pag-akyat ng Panginoon sa langit ay nagtuturo sa atin na hindi sa mundo ang huli nating destinasyon kundi sa langit. Kung saan man siya nagtungo, susundan natin iyon kung tayo ay sumusunod sa kanyang mga aral. Malaki ang pinagkaiba nito sa taong namatay na walang kinikilalang diyos. Habang nasa loob ng kabaong, siya ay bihis na bihis ngunit wala namang patutunguhan!
May makukuhang aral mula sa “Acts of the Apostles.” Matapos umakyat ni Jesus sa langit, “two men in white,” na pinaniniwalaang mga anghel, ang nagsabi sa mga disipulo na: “Why are you looking up to heaven? Jesus who has been taken up will RETURN as you have seen him go” (Acts 1,11). Sa madaling salita, gagawin ni Kristo ang sinabi ni McArthur--”I shall return.”
Sa “interim period,” iyon ay, ang oras ng Kanyang pag-akyat at kanyang pagbabalik, ay hindi binanggit upang ganap nating maisaayos ang buhay bilang paghahanda sa kabilang buhay.
Naaalala niyo pa ba ang American actress na si Whoopi Goldberg na nagpahanga sa milyun-milyong manonood sa pumatok na pelikulang pinamagatang “Ghost” at “Sister Act”?
Taun-taon ay nagho-host si Goldberg ng TV program na “Comic Relief” upang matulungan ang kanyang mga kababayan na walang tahanan.
Isa ito sa mga proyektong kinabibilangan niya. Sinabi niya ang kanyang dahilan sa isang panayam: “I fear waking up one morning and finding out my life was for nothing. We’re here for a reason. I believe a bit of the reason is to throw little torches out to lead people through the dark.”
Ito ay napakagandang gawain. Maaring sabihin ng iba na, “Of course, Goldberg can do that because she’s a wealthy celebrity.” Ngunit bilang sagot, hindi mo kailangang maging mayaman para tumulong sa mga nangangailangan. Magagawa mo ito anuman ang katayuan mo sa buhay.
TANUNGIN ANG IYONG SARILI: Lumalabas ba ako sa “comfort zone” ko at nakatutulong ba ako sa mga nangangailangan, naliligaw ng landas, at sa aking simbahan at pamyanan na kinabibilangan? Masasabi ko ba sa Panginoon kapag namatay ako at nagkita kami na, “Lord, mission accomplished”? (Fr. Bel San Luis, SVD)