romero copy

Hindi man bahagi sa agenda ng “presidentiables”, sisiguruhin ni Senatorial aspirant Manny Pacquiao na mabibigyan ng sapat na suporta at tulong ang sector ng sports sa Kongreso.

Dahil sentro rin ng kanyang programa ang sports sakaling mapabilang sa 12 Senator sa gaganaping halalan sa Lunes, iginiit ni Pacquiao na mas mabibigyan ng atensyon ang sektor ng sports kung makakasama niya sa pagbuo ng programa ang 1-Pacman party-list sa Congress.

Bunsod nito, hiningi ng eight-division world champion ang tulong at suporta ng sambayanan para mailuklok ang 1-Pacman na siyang makakaagapay niya sa paglikha ng mga batas na magtataguyod sa atletang Pinoy.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

“I am appealing to the voters nationwide to vote for 1-Pacman this coming elections,” panawagan ni Pacquiao.

“1Pacman will fight for people’s interest in Congress in promoting good governance and in improving the ailing sports program in the country. “

Napiling No.1 nominee ng 1-Pacman si sportsman/businessman Dr. Mikee Romero.

Ang kahulugan ng 1-Pacman ay ‘One Patriotic Coalition of Marginalized Nationals’.

Bago nabuo ang Globalport Batang Pier sa Philippine Basketball Association (PBA), si Romero ay aktibong sports leader sa amateur sports ng basketball, shooting at cycling. Nagsilbi rin siyang team manager ng Philippine National basketball squad na sumabak sa 2007 Southeast Asian Games.

Kabilang din siya sa ‘pioneer’ ng ASEAN Basketball League (ABL) at masigasig na team owner sa nabuwag na Philippine Basketball League (PBL).

Nagtapos sa De La Salle si Romero sa kursong business administration, gayundin nakumpleto niya ang Master at doctorate degree sa kabila ng puspusang pagtulong sa mga atletang Pinoy.

Iginiit ni Romero na matindi ang pangangailangan ng mga atleta, gayundin ng Philippine sports sa kabuuan kung kaya’t kailangan ang tuwirang pagkalinga rito. Bilang pagtitiyak, sinabi niya na ilaaan niya ang buong pondo ng 1-Pacman, gayundin ang kanyang suweldo bilang Kongresita sa pangangailangan ng sports.

Pursigido rin siyang buhayin ang programa na ‘Godfather’ kung saan susuportahan ng isang negosyante o malalaking negosyo sa bansa ang partikular na atleta o sports para sa pagsasanay nito na maging world-class at kompetitibong atleta.

Bukod kay Pacquiao, nagbigay din ng suporta sa 1-Pacman sina two-time PBA MVP James Yap, Globalport star Terrence Romeo, Talk N Text ace Jayson Castro, Star pillar Marc Pingris at Ginebra skipper LA Tenorio.

Isinusulong din nina volleyball stars Rachel Anne Daquiz at Aby Marano ang kaunlaran ng Philippine sports sa pamamagitan ng 1-Pacman.