‘Wag balewalain ang inyong karapatang bumoto.
Ito ang tagubilin kahapon ng Malacañang sa mga rehistradong botante, apat na araw na lang ang nalalabi bago ang eleksiyon sa Lunes.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, Jr. na mahalaga ang partisipasyon ng bawat isa dahil halos dikit-dikit ang posisyon ng mga kandidato na tumatakbo sa pagkapangulo at pagka-bise presidente, base sa mga survey.
Magbubukas ang polling precinct ng 6:00 ng umaga sa Lunes.
“Importante na gamitin natin iyong ating kapangyarihang magpasya. Lahat po sa atin na registered voter, magtungo po tayo sa ating mga voting precincts, dahil mahalaga po ‘yung partisipasyon natin. Hindi dapat na mag-absent o ibalewala iyong ating karapatang bomoto,” ayon kay Coloma.
“Dapat siguro ay maging mapanuri tayo at magnilay dahil importante ‘yung ating pagpapasya,” pahayag ni Coloma.
Sa kabila ng pamamayagpag ni PDP Laban standard bearer Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa hanay ng mga tumatakbo sa pagkapangulo, sinabi ni Pulse Asia President Ronald Holmes na hindi pa rin nakasisiguro ang alkalde sa tagumpay nito sa Lunes.
Ayon kay Holmes, malaking bilang pa rin ng mga botante ang hindi pa nakapagdedesisyon kung sino ang pipiliin sa balota.
Kamakailan ay ibinandera ng Malacañang ang paghataw ni Liberal Party bet Mar Roxas sa preferential survey, at naungusan na nito ang independent candidate na si Sen. Grace Poe sa ikalawang posisyon sa mga presidentiable.
(MADEL SABATER NAMIT)