Eleksiyon na sa Lunes. At matapos nating pag-isipang mabuti kung sino ang iboboto natin para pagkatiwalaan ng kapakanan ng bansa sa susunod na anim na taon, mahalagang tiyakin natin na hindi mababalewala ang ating boto sa pamamagitan ng pag-iingat natin sa paghawak at pagsagot sa balota.
Narito ang mga dapat at bawal gawin ng mga botante sa Lunes:
*Mabuting alamin nang maaga ang voting precinct mo. Maaaring bumoto simula 6:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
*Magdala ng valid ID, at siyempre, ang kodigo ng iyong mga iboboto.
*Sa voting precinct, dumiretso agad sa Board of Election Inspectors (BEIs) at sabihin ang iyong pangalan, kuhanin ang iyong balota, ballot secrecy folder, at marker.
*Iwasang magkaroon ng anumang hindi kinakailangang marka ang balota. I-shade ang loob ng bilog sa tapat ng kandidatong iboboto at tingnang maigi kung ilan ang hinihinging bilang ng iboboto. Ang undervoting at abstaining o hindi pagsagot ay maaari, ngunit bawal ang overvoting, dahil hindi babasahin ng Vote Counting Machine (VCM) ang balota.
*Takpan ang balota gamit ang folder, at ang marker na ibinigay lang ng BEI ang dapat gamitin sa pagmamarka sa loob ng bilog. Tandaang ipinagbabawal ang pagkuha ng litrato o pagse-selfie kasama ang balota.
*Pagkatapos, ibalik ang folder at marker sa BEI at ipasok ang balota sa VCM. Kung may aberya, agad na sumangguni sa BEIs para maayos ito.
*Kunin ang iyong voter’s receipt. Mabilisang i-check kung naroon ang pangalan ng lahat ng ibinoto mo bago pirmahan ang resibo at ihulog sa kahon para rito, katabi ng VCM. Magpalagay ng indelible ink. (Ann-Gella Patricia F. Agnes)