KABILANG sa mga ihahalal sa Lunes ang mga opisyal ng local government Unit (LGU), tulad ng Valenzuela City. Dito naman ay napakadali sa mga botante na pumili ng kanilang mga pinuno na uugit ng kanilang pamahalaan sa susunod na tatlong taon. Ang isyu lang naman ay kung sino sa mga humaharap sa kanila ang may nagawa sa panahong sila ay nanungkulan. Sa pamantayang ito, madali sa mga botante na pumili ng kanilang iboboto. Saksi kasi sila mismo sa mga nagawa at lubusan nilang pinakinabangan ang mga ito na ikinagiginhawa ng kanilang buhay.
Tumatakbong muli si Mayor Rex Gatchalian para sa kanyang ikalawang termino. Dahil natapos na niya ang kanya tatlong taong termino sa pagkakongresista, nilalabanan na ni Magi Gunigundo si Gatchalian.
Edukasyon, kalusugan at kagalingang pantao, trabaho, pabahay at kalakalan at industriya na tinawag ni Gatchalian na “5 Haligi” ng mabuting pamamahala ang inumpisahan niyang ipairal nang magsimula siyang manungkulan bilang alkalde.
Sa loob ng anim na buwan, sabay-sabay niyang ipinatayo ang mga paaralan para sa high school at elementary sa buong kasaysayan ng Valenzuela. Nasa gitna ng tinitirhan ng mga residente ang mga naipatayo pang eskuwelahan dahil nais ni Gatchalian na magkaloob ng tamang edukasyon, anuman ang katayuan sa buhay. Sa panahong ito, isinabay niya ang paggawa ng Valenzuela City School of Mathematics and Science na kumpleto sa makabagong kagamitan gaya ng laboratory na angkop para sa mas komprehensibong pag-aaral ng mga piling estudyante nito.
Upang matulungan sa pag-aaral ang mga bata, hindi lang mga libro at kagamitang pang-eskuwela ang ibinigay ng pamahalaan. Pagkain din sa ilalim ng feeding program nito.
Naging masigla ang administrasyon ni Gatchalian na target ngayon ang mas malusog at ligtas sa malnutrisyon ang mamamayan nang mapanalunan ng Valenzuela ang kauna-unahang Champion for Health Governance Award ng Department of Health (DoH) at Ateneo School of Government. Mahigit 10% ng 2014 budget o P261 milyon ang inilaan ng Valenzuela para sa primary health care.
Ang pabahay ng Valenzuela na sinumulan at kasalukuyang pinaiiral sa ilalim ng Disiplina Village Housing project ay naglalayong ilikas sa ligtas at makataong paraan ang mga mamamayan nitong naninirahan sa mapanganib na lugar. Sa ngayon, nasa Barangay Ugong at Bignay ang relocation area. Sa taong 2016, target ng proyekto ang zero informal settler families.
Ngayon, ang malaking utang ng Valenzuela ang iniisyu laban kay Gatchalian. Pero lahat ng LGU sa bansa ay umuutang upang malunasan ang kanilang problema. Ipagpalagay na malaki ang utang ng Valenzuela, hindi ba’t napakalaki rin ng mga problemang nalunasan ni Gatchalian kaya umangat nang lubusan ang lungsod? (Ric Valmonte)