ISANG linggo matapos na pugutan ang Canadian na dinukot at binihag ng Abu Sayyaf sa Mindanao dahil sa umano’y kabiguang magbayad ng ransom, muling umeksena sa mga balita ang Abu Sayyaf. Pinalaya nito ang 10 tripulanteng Indonesian na dinukot nito habang lulan sa isang tugboat, sa Sabah, noong Marso 26. Sinabi ng hepe ng Jolo Police na hindi niya batid kung nagbayad ng ransom para sa mga Indonesian, ngunit sinabing humiling ang Abu Sayyaf ng P50 milyon para sa mga ito.
Nangako si Pangulong Aquino na hindi tatantanan ng gobyerno ang pagtugis sa Abu Sayyaf pagkatapos na pugutan ang Canadian na si John Ridsdel. Sumumpa siyang ilalaan ang lahat ng kanyang lakas upang durugin ang grupo bago siya bumaba sa puwesto sa Hunyo 30.
Gayunman, kung ang record ang pagbabatayan, mistulang malayo pang mangyari ang pagdurog ng gobyerno sa Abu Sayyaf, na kumikilos simula noong dekada ’70 sa kabundukan ng Sulu sa Basilan at sa mga kalapit na isla. Noong dekada ’90, napaulat na nagkaloob ng pondo ang bayaw ni Osama bin Laden sa Abu Sayyaf, na tumiwalag mula sa Moro National Liberation Front upang ipagpatuloy ang pakikipaglaban para sa awtonomiya ng mga Muslim sa Katimugan.
Noong 1994, sinisi ng Philippine Army ang Abu Sayyaf sa mga pambobomba sa Zamboanga City, na ikinasawi ng 71 katao.
Nang sumunod na taon, sinalakay nito ang Ipil, Sulu, at 53 ang namatay. Matapos na mapatay ang pinuno nito noong 1998, napaulat na sinimulan na ng militanteng grupo ang pagdukot sa mayayamang dayuhan para kumalap ng ransom money na magsisilbing pondo sa mga operasyon nito. Noong 2003, mistulang binigyang-buhay ng grupo ang ideyalismo nito at inako ang responsibilidad sa pambobomba noong 2004 sa isang barko sa Manila Bay, na ikinamatay ng 116 na katao.
Taong 2006 nang naglunsad ang militar ng malawakang opensiba at tatlong mataas na opisyal ng grupo ang napatay.
Kinakapos na sa pondo, pinaniniwalaang muling nagsagawa ng mga pagdukot para sa ransom ang grupo. Noong Setyembre 2015, dinukot ng Abu Sayyaf ang mga Canadian na sina John Ridsdel at Robert Hall, ang Norwegian na si Khartan Sekkingstad, at ang Pinay na si Marites Flor mula sa isang resort sa Samal Island sa Davao Gulf. Makalipas ang pitong buwan, pinugutan nito si Ridsdel.
Bukod sa tatlong bihag mula sa Samal, napaulat na hawak pa rin ng Abu Sayyaf ang isang Dutch, apat na Malaysian, isang Chinese, at anim na Pilipino. Magpupulong ang mga foreign minister ng Pilipinas, Indonesia, at Malaysia sa Jakarta ngayong linggo upang humanap ng paraan para matiyak ang ligtas na paglalayag ng mga kalakal sa pagitan ng tatlong bansa. Tungkol sa mga biktima ng pagdukot, idineklara ni Pangulong Aquino na matagal nang namemerhuwisyo ang Abu Sayyaf sa bansa at panahon nang harapin ng grupo ang matinding parusa ng batas.
May apat na dekada na ang nakalipas simula nang tangkain ng puwersa ng militar ng Pilipinas—sa isang pagkakataon ay katuwang pa ang American Special Forces—na durugin ang Abu Sayyaf. Nabigo sila, batay na rin sa patuloy na pagdukot ng grupo, ngunit patuloy tayong umasa na ang mga panibagong pagsisikap na ito ng gobyerno, marahil sa pakikipag-ugnayan sa mga kalapit nating bansa, ay makasusumpong ng solusyon na magbibigay-tuldok sa mga pagdukot, pamumugot, at iba pang karahasan.