One degree higher ang kahaharaping parusa sa paglabag sa batas gamit ang Internet.
Ito ang babala ni Ronald Aguto, hepe ng National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division, at ipinaliwanag na batay sa Revised Penal Code ng Cybercrime Prevention Law ay hinikayat ang publiko na huwag gumawa ng masama sa pamamagitan ng social media.
Nangangahulugan ito na ang normal na parusa, gaya sa libel at grave threat, ay magiging doble.
Bagamat malaking hamon sa ngayon para sa ahensiya ang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga gumagawa ng pekeng social media account upang makapam-bully at makapang-harass, sinabi ni Aguto na ang naiiwang electronic signature ang nagsisilbing trace upang matukoy nila ang tunay na nag-post.
Tiniyak din ng hepe ng Cybercrime Division ng NBI na bukas ang kanilang opisina sa mga biktima ng paninirang-puri, pambu-bully, pangyuyurak sa reputasyon at iba pang katulad na reklamo na agad daw nilang aaksiyunan.
Nauna rito, naghain ng criminal and electoral complaint ang human rights advocate na si Renee Julienne Karunungan matapos umano siyang makaranas ng online harassment mula sa ilang tagasuporta ng presidential candidate na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte. (Beth Camia)