Ang pagkakabit ng “jumper” o ilegal na koneksiyon ng kuryente ang tinutumbok na anggulo ng arson investigators na posibleng sanhi ng malaking sunog sa isang residential area sa Pasay City, nitong Miyerkules.
Sinabi ni Supt. Douglas Guiyab, Bureau of Fire Protection (BFP)-Pasay Fire Marshall, na nangyari ang sunog sa Apollo 10 Extension, San Gregorio Street, Barangay 188, Pasay City, dakong 5:00 ng hapon nitong Miyerkules.
Umabot sa 10 bahay ang natupok sa insidente habang 25 pamilya ang nawalan ng tirahan.
Sinabi ni Guiyab na hindi na sikreto na talamak ang pagkakabit ng jumper sa lugar, na posibleng pinagmulan ng apoy.
Nagsimula ang sunog dakong 5:00 ng hapon hanggang sa kumalat ito kaya nagdeklara na ng ikaapat na alarma ang mga bombero.
Wala namang naiulat na nasugatan sa insidente, ayon kay Guiyab.
Nagdeklara rin ang mga tagapamatay-sunog ng fire out matapos ang limang oras. (Martin A. Sadongdong)