ANG pangangailangang kumita para may maipambili ng pagkain at ang pagnanais na magkaroon ng pakinabang at makapaghiganti ang mga pangunahing bagay na nagtutulak sa kabataang Syrian upang sumali sa mga grupo ng terorista.

Ito ang inihayag nitong Miyerkules ng isang samahan ng mga nagsusulong ng kapayapaan.

Mga lalaking nasa edad 12 hanggang 24 ang pinakamalaki ang posibilidad na sumali sa mga organisasyong jihadist gaya ng Islamic State at ng Nusra Front, na kaanib ng sangay ng Al-Qaeda sa Syria, ayon sa ulat ng International Alert.

Natuklasan din ng International Alert, na nakabase sa London, na ang mga bata at teenager na hindi nag-aaral, gayundin ang mga refugee at mga taong puwersahang pinatalsik sa kani-kanilang tahanan ang pinakadelikadong himukin ng mga grupong terorista para maging kasapi nito.

Sa panayam sa mahigit 300 kabataang Syrian sa Syria, Lebanon, at Turkey, sinabi ng kabataang lalaking Syrian sa International Alert na sa pagsali nila sa mga armadong grupo ay nagkaroon sila ng “strong sense of purpose, honor and self-worth”.

“People can find a new meaning to their life in extremism. Extremism opens a door to a new life where they are wanted,” tinukoy sa pag-aaral na sinabi ng isang binatilyong Syrian.

Nasa ikaanim na taon na ngayon, nasa mahigit 250,000 katao na ang nasasawi sa digmaan sa Syria, bagamat dahil libu-libong iba pang pagkamatay ang hindi naitatala, sinasabi ng ilan na aabot sa hanggang 400,000 ang kabuuang bilang ng nasawi sa giyera.

Dahil dito, nasa 10 milyong katao ang naitaboy mula sa kani-kanilang tahanan, ayon sa United Nations.

Ayon kay Rebecca Crozier, pinuno ng Middle East Programme ng International Alert, kinukuha ng mga armadong grupo ang serbisyo ng kabataan sa “alarming rate”.

“These groups are very adept at this ‘come and join this movement, be part of this’ rhetoric to draw in young people who have lost a sense of purpose and belonging during the war,” sinabi ni Crozier sa Thomson Reuters Foundation.

Ang paggamit sa gobyerno ni President Bashar al-Assad ay isa ring epektibong pangumbinse, ayon sa ulat.

“Many Syrians want to get revenge against the regime for destroying their families, houses, lives and everything else,” sabi ng isa pang kinapanayam, na kasalukuyang nakatira sa Turkey.

At ngayon nasa dalawang milyong kabataang Syrian ang hindi nakapag-aaral dahil sa digmaan, ang mga armadong grupo ang nagkakaloob sa kanila ng sarili nitong paraan ng edukasyon, kabilang ang pagtuturo ng relihiyon at taktikang militar, ayon sa International Alert.

“These ‘schools’ are highly segregated, exploit sectarian divisions and support divisive narratives,” saad sa ulat.

Hinihikayat ng International Alert ang mga donor at mga policymaker na tumulong upang maiwasan ang paghimok ng mga armadong grupo sa kabataan sa pamamagitan ng pamumuhunan sa edukasyon at sa mga programang magpapasigla sa mga oportunidad sa hanapbuhay, at pakikipagtulungan sa mga residente upang maitayo at maibangong muli ang mga komunidad na winasak ng digmaan. (Reuters)