Nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Republic Act (RA) No. 10771 na tumataguyod sa paglilikha ng “green jobs” at nagkakaloob ng mga insentibo sa mga negosyo na lumilikha at nagpapanatili sa mga trabahong ito.
Ang RA No. 10771 o “Philippine Green Jobs Act of 2016,” ay nilagdaan ni Pangulong Aquino noong Abril 29, 2016.
Ang green jobs ay tumutukoy sa trabaho na nakapag-aambag sa pagpipreserba at pagpapanumbalik sa kalidad ng kapaligiran, ito man ay sa agrikultura, industriya o sektor ng pagseserbisyo.
Inatasan ni Pangulong Aquino ang Department of Labor and Employment na magbalangkas ng National Green Jobs Human Resource Development Plan para sa development, pagpapahusay at paggamit sa puwersa ng paggawa, kapwa sa pribado at publikong sektor. Isasama rin ang Secretary of Labor and Employment bilang karagdagang miyembro ng Climate Change Commission. (Madel Sabater - Namit)